Diaries from the Field: Hanggang saan aabot ang P20 nila

Ni DEO MONTESCLAROS
www.nordis.net

Kinukwento niya sa akin habang magkasama kami sa isang pagsasanay na kailangan niyang umutang ng ₱ 100 para pang krudo sa motorsiklo at hahanap siya ng pwedeng utangan para may pangkain ang kanyang mga kapatid na manggagawang-bukid. Hindi kasi nakikipag-usap kung kani-kanino ang mga nagpapatrabaho sa bukid at dapat kabesilya ang nakikipagtransaksyon sa kanila.

Kaya pala hindi siya mapakali at nagpapaalam nang umalis dahil may mahalaga daw siya na aasikasuhin. Ika nga’y “sinisilihan ang pwet” dahil sa madalas na pagtayo sa upuan at panay ang labas sa pintuan.

Ngayong buwan ng Mayo ay walang trabaho sa sakahan ang mga manggagawang bukid. Patay ang kabuhayan kaya ang mga kabesilya, tulad ni Manong Jun, ay hahanap ng pera. Magku-krudo ng ₱50 hanggang ₱100 at papaharurutin ang motorsiklo para humanap ng mayamang magsasaka na handang umupa ng aliping paggawa. Uutangin na ang kanilang ita-trabaho sa buwan ng taniman, Hunyo hanggang Hulyo, para maibsan ang kalam ng sikmura sa panahon ng taggutom.

“Mahirap makita ang mga batang umiiyak dahil sa gutom,” kwento ni Manong Jun habang pailing na ngumingiti.

“Kung minsan ay mag-aambagan kaming magkakapatid ng ₱20-₱30 bawat isa para lang makaikot at humanap ng pera. Hahanapin mo ang swerte. Kung wala talaga ay titiisin na lang ang gutom,” paglalahad niya.

Hindi na bago ang naratibo ng kagutuman sa kanayunan lalo na sa komunidad ng maralitang magsasaka at manggagawang-bukid.

Dadatnan sila ng araw na gutom at papanawan ng liwanag na wala pa ring laman ang sikmura. Pagkagat ng dilim ay susuong na sila sa bukid para mangaso ng daga at palaka para sa hapunan. Habang ako’y nasa kanilang komunidad, narinig ko ang tinutukoy niyang iyak ng batang nagugutom: malumanay ang hikbi na biglang mapapatid dahil pasususuhin ng kanyang ina na nangangayayat.

Nakakahabag ang ganitong pangitain. Kahit ang mga bata ay dinadanas na ang karahasan ng lipunan. Hindi nila matakasan na dahasin ang kanilanh sikmura ng gutom at matinding paghihirap.

“Hanggang saan naman makakarating ang inambag nilang ₱20 para sa krudo?” pag-uusisa ko kay Manong Jun. “Mga tatlong barangay siguro. Kung wala pa rin ay susubok uli bukas?” sagot niya sa akin na parang nagtatanong din kung susubukan niya pa ba talaga. Ibig sabihin ay walang katiyakan kung saan makakaabot ang ₱20 na pang-krudo sa motorsiklo. Hindi rin tiyak kung may maipapakain sila sa kanilang mga anak. Lalong walang kasiguruhan kung magbabago ang kanilang kalagayan dahil ubos na ang bayad sa kanilang trabaho at lubog pa sa utang. Maiiwan silang said ang bulsa at lugmok sa kahirapan.# nordis.net

Share

Leave a Reply