Isabelinos tutol sa field test ng golden rice

Ni DEO MONTESCLAROS
www.nordis.net

SANTIAGO CITY, Isabela — Mariing tinututulan ng mga magsasaka at nababahalang mamamayan ng probinsyang ito ang planong field testing ng golden rice ng Syngenta sa Brgy. Malasin, San Mateo.

PAGTUTOL. Nagpiket ang Danggayan dagiti Mannalon ti Isabela laban sa planong field testing ng golden rice sa mga bata at buntis at ang napipintong koersyalisasyon ng nasabing bigas sa Isabela. Photo courtesy of Dagami

Pinangunahan ng Danggayan dagiti Mannalon ti Isabela (Dagami) ang pagtutol sa pagtatanim. Gayun din ang balak na feeding trials nito kung saan ipapakain ang golden rice sa anak ng mga magsasaka at mga kababaihang buntis.

Ang Golden Rice ay isang genetically engineered (GM) rice variety na inilalako ng dayuhang agro-industry na Syngenta para sa commercial cultivation sa iba’t ibang panig ng Asya. Nagtataglay diumano ng beta-carotene ang bigas upang tugunan ang kakulangan sa Vitamin A. Ang probinsya naman ang pangunahing prodyuser ng butil sa bansa. Nangunguna ito sa mais at pumapangalawa naman sa bigas.

“Naglalaway ang Syngenta at iba pang multinasyunal na korporasyon para kontrolin ang ating pangunahing mga butil at kumita ng limpak na tubo,” pahayag ng Dagami.

Idinagdag ng grupo na “mapait ang naging karanasan ng Isabela” sa mga katulad nitong GM crops gaya ng BT Corn at RR Corn na nagbaon sa utang sa mga magsasaka.

Pandaigdigang pagtition

Sa ginawang pagtitipon ng International Conference and Pubic Dialogue on the Rights to Safe Food, Seeds and Rice Resources, sa pangunguna ng Stop Golden Rice! Network (SGRN), noong Abril 2-4 na ginanap sa Quezon City, tinalakay ang magiging epekto ng genetically modified na bigas sa kalusugan, kabuhayan, at sa kabuuang agrikultura ng daigdig.

Ipanawagan sa nasabing komperensya ang pagpapatigil sa pagtatanim nito sa sakahan sa bansa at iba pang panig ng mundo. Pinasinungalingan ng SGRN ang mga sinasabing benepisyo mula dito. Bagkus, sabi ng grupo, ang tanim ay matinding banta sa kabuhayan at kalusugan ng publiko.

Dumalo ang Dagami ang sa aktibidad. Ibinahagi ni Cita Managuelod, lider ng organisasyon, na maliban sa pagkalugi at pagkabaon sa utang ay “nailit ang mga lupa, nawalan ng sapat at ligtas na pagkain para sa tao at hayop, nakontamina ang aming mga tradisyunal na binhi, mga kalupaan at katubigan” dahil sa mga GM crops.

“Sa katunayan, ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pagtatanim ng BT Corn sa mga pahilig na lupa dahil laganap ang pagguho ng mga sakahan,” paliwanag niya.

Aniya, nagpabaya ang lokal na gobyerno ng San Mateo, pati na ang lokal na ahensya ng DA sa pagbigay ng sapat na impormasyon sa mga magsasaka kaugnay sa naunang mga GM crops na ipinatanim. Hindi rin umano nagkaroon ng mga tunay na konsultasyon at public hearing sa mga pamayanang magsasaka.

Ayon sa lider ng Dagami, katulad sa nakaraan, walang isinagawang konsultasyon para sa una at ikalawang confined field testing ng Golden Rice sa Isabela.

Ipinahayag nila Managuelod sampo ng iba pang delegado ang kanilang paniniwalang hindi malayong matulad sa sinapit nila mula sa BT Corn ang muling pagtataguyod ng gobyerno sa Golden Rice.

Dayalogo sa gobyerno

Inimbitahan ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) noong Abril 4 ang mga kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan upang sagutin ang mga hinaing ng mga organisayon at samahan ang mga magsasaka na tumututol sa Golden Rice.

Sa pahayag ni Sec. Liza Maza ng NAPC, “For something as serious as health safety, nutrition, ang livelihood, the meaningful participation of people and their communities is of central inportance,” ‘ani Sec. Maza.

Dumalo sa dayalogo ang mga kinatawan ng Department of Agriculture, Department of Science and Technology, Department of Health at mula sa Department of Agrarian Reform.

Hindi pinaunlakan ng International Rice Research institute (IRRI) at Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang imbitasyon ng NAPC sa nasabing dayalogo.

Panlilinlang at paglaban

“Hindi ipinaliwanag na GMO ang ipinatanim at mapanlinlang na inaalok ang mga magsasaka sa apat na baryo ng todo libreng farm inputs at malaking kabayaran sa mga manggagawang bukid kung susubok sa Golden Rice na hindi naman ipinapaliwanag ang posibleng epekto nito,” sabi ni Managuelod.

Sa kabila nito, naninindigan ang grupo na “salot ang Golden Rice” sa kanilang karapatan sa lupa, sa karapatan sa organiko at sustenableng pagsasaka, sa karapatan sa sapat at ligtas na pagkain at sa kalusugan ng mga pamayanang magsasaka.

Pinapaigting sa kasalukuyan ng mga organisasyong magsasaka, kababaihan, mga estudyante, opisyal ng LGU at taong simbahan sa Isabela ang pagtutol at paglaban sa field testing at komersyalisasyon ng Golden Rice.

“Ayaw namin sa Golden Rice ng Syngenta at nananawagan kami sa mamamayan na ubos-kayang pigilan ang paglaganap nito sa ating mga sakahan. Tunay na repormang agraryo lamang ang tanging makakalunas sa kagutuman at kawalan ng lupang masaka at matirahan,” pagtatapos ni Managuelod. # nordis.net

Share

Leave a Reply