Diaries From The Field: Habang katalakayan ang magsasaka

Ni DEO MONTESCLAROS
www.nordis.net

Bangka sa talakayan ang mga magsasakang kausap namin. Hindi mapigilan ang kanilang mga tanong at paglalahad ng pagtingin sa usapin ng organikong pagsasaka, repormang agraryo, at genetically modified na binhi. Mabuti na lamang at may pa-kape sila sa tanghaling iyon para panlaban sa antok at pagyaya ng idlip mula sa katatapos na pananghalian.

Masayang makita ang pagkakataong ito na ang mga magsasaka ay nag-uusap tungkol sa pulitika ng bansa at kung ano ang nakikita nilang epekto nito sa kanilang buhay. Kritikal nilang binaybay ang mga karanasan nila noong 1970 na panahon na mataba pa ang lupang sakahan, anu-ano ang mga hayop na nakikita pa sa gubat, mga isda na naguhuli sa irigasyon at ilog hanggang sa pananalasa ng golden kuhol, Masagana 99 at iba pang kaakibat na proyekto ng Green Revolution ni Marcos.

Sinagot nila ang mga batayang katanungan na “Bakit mahirap ang magsasaka sa bansa?”, “Sino ang nakikinabang sa kanilang pinagpaguran?”, “Bakit hindi magsasaka ang nasusunod sa presyuhan ng ani?” hanggang napunta sa pambabarat ng agricultural terminal sa kanilang mga produkto. Hindi raw nila maunawaan kung bakit sobrang dami ang klasipikasyon ng isang produkto: mula sa small, medium-small, medium-medium hanggang sa big tapos makikita nila sa Maynila na por kilo naman ang bentahan kesyo small o medium-medium yan.

“Nakita ko sa palengke sa Balintawak na kahit ang mga “letter U” na pipino ay kasama ng mga “good” tapos dito ang daming klasipikasyon,” paglalahad nila habang tumatawa.

Bagaman saling-pusa ako sa talakayan ay pinilit ko namangmakisabay sa kanila. Pero sa totoo lang ay mas marami akong natutunan sa pakikinig lamang sa kanila. Hindi hinugot sa kung saan ang kanilang mga ideya kundi nanggaling sa lupa. Ang mga ito ay nakaugat sa realidad at nakalubog sa produksyon. Nakikitunggali sila hindi dahil sa gusto nilang patunayan na mas magaling sila kaysa sa amin kundi gusto nilang masagot ang tanong para halawan ng aral at matuto sa iba.

Babalik uli kami para makipagtalakayan pero hindi na lang problema ang pagkukwentuhan namin kundi kung paano rin pwedeng magbago ang kalagayan nila. Baka sa pagkakape namin kasama sila ay makabuo kami ng isang kampanyang masa. # nordis.net

Share

Leave a Reply