Dagdag na gastos dulot ng Train Law sa manggagawang-bukid

Ni DEO MONTESCLAROS
www.nordis.net

SANTIAGO CITY, ISABELA — Nadarama na ng mga manggagawang-bukid sa Isabela ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o Train sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Dahil sa pagtaas ng pangunahing bilihin at gasolina, lalong nabaon sa kahirapan at hindi na makaagapay ang kanilang kinikita sa pakikitanim at pakikiani ng palay.

Pagtaas ng presyo

Sa pag-aaral na ginawa ng Danggayan dagiti Mannalon ti Isabela (Dagami) noong Pebrero 2018 ay nadagdagan ang gastos ng isang pamilya ng mangagawang-bukid na may limang miyembro ng P198 kada linggo. Ang mga pangunahing bilihin katulad ng bigas ay nagtaas na ng P10 para sa isang salop ng bigas at P3 naman para sa isang lata ng sardinas.

“Maliit na nga ang kita namin tapos madadagdagan pa ang gastos sa pang-araw-araw,” ani Renato Gameng, manggawang-bukid mula Isabela at kasapi ng Dagami.

“Sa mga katulad namin na wala namang tiyak na kita ay mahirap ang pagtaas ng bilihin. Nahihirapan na kami sa pagbabadyet ng panggastos sa pagkain, baon ng mga bata sa eskwela, pamasahe o panggasolina sa motor kapag makikitrabaho sa bukid at iba pa,” paliwanag ni Renato.

Kumikita ang isang manggagawang-bukid ng P580.37 kada linggo kung titilarin ang pangkabuuang kita nila sa loob ng isang taon. Sa Train law, mula sa P1,169 na gastusin sa loob ng isang linggo ay tataas ito sa P1,367 o dagdag na P198 kada linggo. Wala pa mang trabaho sa bukid ay naiuutang na nila ang suswelduhin sa mga buwan ng taniman at anihan.

“Bayad-utang din ang sweldo namin kapag nagkataon. Dahil nababawasan na ang trabaho, epekto ng reaper (makinang ginagamit para pag-ani ng palay), kung saan-saan na kami umuutang. Minsan yung mga dating nagpapa-ani ay hindi na tumatanggap ng manggagawang-bukid kasi mas mura raw ang bayad sa reaper,” dagdag ni Renato.

Kawalan ng trabaho

Kabaliktaran ang epekto ng bagong mga makina sa pagsasaka, katulad ng reaper, sa kabuhayan ng manggagawang-bukid. Dahil sa malalalang problema sa kawalan ng lupang masasaka para sa maralita, maliliit na magsasaka at manggagawang-bukid, nagiging instrumento ang reaper ng mga panginoong maylupa sa Isabela upang agawan sila ng trabaho.

Sa loob ng isang taon ay halos apat na buwan na lamang ang trabaho ng isang manggagawang-bukid. Ang natitirang mga buwan ay inilalaan na sa panghuhuli ng kiwet (eel), pagiging construction worker at iba pang odd jobs sa Cauayan City.

Ang mga kabataang manggagawang bukid ay nakikibilad ng palay at naghahakot patungo sa truck. Kadalasan ay P4,000 kada 400 kaban ang nakokontrata ng mga kabesilya para sa kanyang 15 manggagawang-bukid kada araw. Kung kaya P266/araw ang sahod ng nakikibilad at dagdag na P26 para sa pagbubuhat ng kaban ng palay. Tumatagal ng 21 araw ang pagbibilad kaya nakakapag-uwi sila ng P6,132 mula sa makabaling-likod na trabaho.

“Hindi naman lahat ay kayang makibilad kasi mahirap na trabaho ang pagbubuhat ng kaban ng palay. Kawawa ang mga kasama naming matatanda na hindi na kayang magbuhat,” ani Renato.

Paglaban para sa kabuhayan, karapatan

“Kung ganito lang din ang ginagawa ng gobyernong Duterte, dapat lang na labanan ito. Lalong maghihirap ang mga katulad naming manggagawang-bukid sa mga batas na kagaya ng Train. Wala na kaming maaasahan kundi ang organisasyon namin,” dagdag niya.

Naghahanda para sa mga pagkilos ang kilusang magsasaka sa buong Cagayan Valley para manawagan sa pagbabasura sa Train law. Kasalukuyang kalahok ang Dagami sa pagpapapirma ng petisyon na naghahangad na ibasura ang nasabing batas.

“Tuluy-tuloy kaming makikipaglaban para sa karapatan sa lupa at kabuhayan ng mga manggagawang-bukid. Lalaban na lang kami kaysa mahirapan ng ganito,” pagtatapos ni Renato. # nordis.net

Share

Leave a Reply