Youthspeak: Ang Saligang Batas ng pasistang diktadurya at Imperyalismo

Ni REP. SARAH ELAGO / KABATAAN PARTYLIST
www.nordis.net

Charter change: Ito na ang pangatlong baraha ng pasistang rehimeng US-Duterte.

Mula sa tangka na magtaguyod ng huwad na rebolusyonaryong gobyerno, hanggang sa panggigipit sa mamamayan gamit ang dahas, kitang-kita na si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi lamang hayok sa kapangyarihan, kung hindi pati na rin takot na mapatalsik sa puwesto.

Sa pag-aakala na walang kamuwang-muwang ang mga Pilipino sa tunay na pakay ng charter change, tinutulak ito ng pasistang administrasyon sa ilalim ng prente na ang pagbabago ng porma ng gobyerno ang mas makakabuti para sa nakararami.

Ngunit hindi mapagkakaila na ang makikinabang lamang sa cha-cha ay ang mismong mga nakaupo na sa puwesto, at ang pagbabago ng porma ng gobyerno ay hindi naman magdudulot ng pagbabago ng sistemang umiiral – isang sistema na nagpapaunlak sa mga imperyalista, mga panginoong may-lupa, mga burukrata kapitalista, at mga gahaman sa kapangyarihan gaya ni Duterte.

Kung hindi man ito ang huling baraha ng administrasyon, ito na ang isa sa pinakamasahol na ligal na opensibang ipapalaganap ng tutang administrasyong Duterte laban sa mamamayang Pilpino.

Artikulo Uno: Kumapit sa Puder ng Kapangyarihan

Hindi sumasapat para sa isang pasista ang dugo na dumanak mula sa libo-libong pinatay at kasalukuyang pinapatay ng kanyang mga kampon.

Sapagkat sa bawat kasa ng baril at bala na pumuputok, umuusbong ang diwang palaban ng mga Pilipino – ang diwang palaban na mismong susupil sa umuusbong na tiraniya ni Duterte. Sa bawat galaw ni Duterte na nagpapaunlad ng kanyang diktadurya, gumagawa siya ng sarili niyang mga kaaway. Ganito ang takot ng administrasyong Duterte kaya’t lubos ang kanilang pagmamadali na mabigyang-bisa ang charter change.

Kinikilala rin ni Duterte na marami ang mayroon pang agam-agam sa charter change. Ito ang dahilan na binabandera at pinapangako niya at ng kanyang mga kawani, lalo na si House Speaker Pantaleon Alvarez ang mas mahabang termino ng mga nakaupong opisyal ng pamahalaan at ang no election (no-el) sa 2019. Ang sinuman na tututol ay binabantaang hindi makakatanggap ng badyet para sa kanilang proyekto.

Sa katunayan, lahat ng kapangyarihan ng lehislatura – ang paggawa ng batas at pagdikta ng lalamanin ng pambansang badyet – ay mapupunta sa pangulo dahil mabubuwag ang Kongreso pagkatapos maaprubahan ang bagong panukalang Saligang Batas.

Ngunit kahit mabuwag ang kasalukuyang Kongreso, magkakaroon ng interim Parliament na bubuuin ng mga kasalukuyang miyembro nito — hanggang sa mabuo ang unang pederal na Kongreso kung magkaroon man ng eleksyon sa 2022.

Sa mga lokal na yunit ng pamahalaan, mananatili rin sa puwesto ang mga kasalukuyang mayor, governor, at iba pang namumuno.

Isang malaking kasinungalingan at fake news na magdudulot ng pagbabago sa lipunan ang charter change. Dahil kung tunay na pagbabago nga ang nais maatim ni Duterte sa ilalim nito, hindi niya papabayaan na mas mapahigpit ang kapit ng mga pampulitikang dinastiya, korap na lokal na namumuno, at pambansang burgesya sa puder ng kapangyarihan.

Artikulo Dos: Ipagkait ang Karapatang Pantao

Tahasan ang pambubusabos ng rehimeng US-Duterte sa mga karapatang pantao, at nais pa nitong ipagkait ang anumang natitira pang karapatan sa mga mamamayan sa charter change.

Hindi mapagkakaila na ang mga karapatan na natatamasa natin ngayon ay ang mga bunga ng pakikibaka ng ilang daang taon. Lubos na pinalalabnaw ng panukalang bagong Saligang Batas ang mga karapatan na ito.

Sa pinakabagong nilabas na talaan ng mga pagbabago sa Saligang Batas, ang kalayaan sa pagsasalita ay kwalipikado na ng salitang “responsible”. Isa itong malaking kabalintunaan sa loob ng isang administrasyon at sistema kung saan ang fake news ay kinukunsinte habang ang mga balita tungkol sa mga paglabag sa karapatang pantao ay tinatago sa mass media.

Ika pa nga ng masugid na tagapagtanggol ng pasistang diktador na si Presidential Spokesperson Harry Roque, paano malalaman kung ano ang true news kung walang fake news?

Maliban pa dito, isang panukala sa charter change ang paglilimita ng partisipasyon ng mamamayang Pilipino sa mga pampulitikang bagay sa eleksyon: “Sovereignty resides in the Filipino people through suffrage”. Ganap nitong nililimitahan ang partisipasyon ng mamamayan bilang pawang mga botante, at tahasan nitong ginigipit ang lakas ng masa para sa tunay na lipunang pagbabago.

Sa katunayan, paano nga naman natin aasahang paiigintingin ng administrasyong Duterte ang respeto sa karapatang pantao kung ngayon pa nga lang, ang lumalabas lang sa kanyang bibig, maliban sa pagmumura, ay mga utos na pumatay o mamaril?

Artikulo Tres: Paglalako ng Ekonomiya at Likas-Yaman

Limang mabibigat ngunit maiikling salita ang sisira sa daan-libong ektarya ng lupang matatamnan at natitirang likas na yaman sa Pilipinas: unless otherwise provided by law.

“I am building a country for the Filipinos,” ika ng isang korap na diktador sa pampublikong pahayag. Ito ang dahilan ni Duterte sa pagsupil sa lahat ng tumutuligsa sa kanyang mga palisiya — dahil ayon sa kanya, makakatulong ang lahat ng ito sa mga Pilipino.

“I am building a country for the Filipinos,” sabi ni Duterte — habang sa likod ng lahat ng ito ay bumubuo siya at sinusulong ang isang Saligang Batas na magbubukas ng mga sumusunod sa isang daang porsiyento na pagmamay-ari ng dayuhan: (a) pagmamay-ari ng mga lupain; (b) paglinang, pananamantala, at paggamit ng ating mga likas na yaman; (c) pagmamay-ari, pagpapatakbo, at pagtayo ng public utilities; (d) pangungupa ng mga korporasyon ng mahigit sa 1,000 ha. ng lupain nang mahigit sa 50 taon; (e) Pagpapatakbo ng sarili nilang mga unibersidad at iba pang institusyon ng edukasyon; at (f) pagmamay-ari at pagkontrol kontrol sa mass media at advertising agencies.

Malaking dagok ito sa mga kabataan na hindi na kayang tustusan ang kanilang pag-aaral dahil sa mataas na singil ng matrikula at miscellaneous fees. Lalong malaking dagok ito sa mga estudyante ngayon ng K-12 na programang pinagpatuloyng administrasyon para mapagkunan ng cheap labor sa bansa.

Lalo na, malaking dagok ang ekonomiyang palisiya na ito para sa mamamayang Pilipino na naghihirap na ngayon, ngunit hindi matugunan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing – dahil ang katotohanan ay ang interes ng mamamayang Pilipino ang may pinakamababang prayoridad para sa kanila.

Malinaw ang kahugkangan ng charter change ni Duterte. Sa halip na pederalismo, ang itataguyod ng charter change ay ang malawak at mahigpit na pagkapit ni Duterte sa puder ng kapangyarihan. Sa halip na pagbabago, lalong panggigipit, pagpapahirap, at pagaalila sa bayan at mamamayang Pilipino ang dulot nito.

Sa loob ng isang taon, masasaid ang lahat ng likas na yaman ng Pilipinas, at tila magiging mga pulubi ang mga Pilipino sa sarili nilang bayan.

Kagyat na tungkulin ngayon ng kabataan at lahat ng mamamayang Pilipino na pigilan ang charter change ni Duterte, maliban sa iba pang kontra-mamamayang palisiya ng administrasyong ito.

Inaanyayahan ng Kabataan Partylist ang lahat ng kabataan at iba’t ibang sektor na makilahok sa mga pambansang araw ng pagkilos sa ika-23 ng Pebrero 2018. Suportahan natin ang No To Chacha Coalition na binubuo ng iba’t ibang eksperto sa larangan ng batas at iba pang mga personahe at organisasyon. Patunayan natin na kahit apat na dekada na ang nakalipas, buhay na buhay pa rin ang diwa ng Sigwa ng Unang Kwarto; na handang-handa na ang mamamayan na magpabagsak ng isang pasistang diktador.

Sama-sama tayong bumalikwas laban sa pasistang diktadurya ni Duterte. Sama-sama, isulong natin ang interes ng masa para sa tunay na pagbabago sa lipunan. Sama-sama tayo sa ika-23 ng Pebrero na magmartsa tungo sa Mendiola para ipakita sa pasistang rehimen na hindi papayag ang masang Pilipino na umusbong at lumakas pa ulit ang kapit ng nag-aastang diktador sa puder ng kapangyarihan.

Sumama sa malawakang pagkilos ng kabataan at ng mamamayang Pilipino! # nordis.net

Share

Leave a Reply