Statements: Igalang ang International Humanitarian Law

Ng KARAPATAN — CAGAYAN VALLEY
www.nordis.net

Ika-24 ng Enero, 2018

Malinaw ang paglabag ng Philippine National Police, Crime Investigation and Detection Group, at Intelligence Service Unit- Philippine Army sa batas ng digma sa ilalim ng International Humanitarian Law (IHL). Sina Victorino Tesorio at Lolito Rasa, mga retiradong NPA at nagpapagaling sa medikal na karamdaman ay tinortyur at pinaslang ng walang kalaban-laban.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Karapatan Cagayan Valley, malinaw ang mga paglabag sa IHL at karapatang pantao ng mga armadong elemento ng estado. Ayon sa PNP, alas-3 ng madaling araw, nagkaroon umano ng engkwentro sa pagitan ng grupo nila at sa dalawang mataas na lider ng NPA matapos umanong manlaban ang huli habang pinipresenta ang kanilang mga warrant of arrest.

Si Victorino Tesorio, 70 taong gulang, ay nagtamo ng isang tama ng bala sa kanang mata na naging sanhi ng kanyang kamatayan. Napitpit ang kanyang hintuturo sa kanang kamay, may bali ang mga buto sa kamay at tuklap ang kuko sa kaliwang paa na maaaring magsabi na siya ay pinahirapan muna bago paslangin o isinailalim sa physical torture. Habang si Lolito Rasa, 58 taong gulang, ay mayroong tama ng bala sa kaliwang sentido na sanhi ng kanyang pagkamatay. Maaring indikasyon na magagawa lamang ito sa malapitan at sinadya ang pagbaril.

Taliwas ito sa ulat na inilabas ng PNP Police Regional Office Region 3 (PRO3) na sila ay nanlaban ng ihain ang warrant of arrests. Ang pwesto ng mga tama ng bala at sinapit ng kanilang mga katawan ang magpapatunay na hindi nagkaroon ng engkwentro. Wala na ring kakayahang manlaban pa sina Tesorio at Rasa dahil sa katandaan at medikal na kalagayan. Ayon sa kwento ng ilang mga kapitbahay, ang narinig nilang mga putok ay nagmula sa isang panig lamang at saglit lamang itong nangyari. Wala silang narinig na palitan ng putok.

Ang kapamilya ng mga biktima ay humihingi ng katarungan sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay. Mabigat sa kalooban nila kung paano pinatay ang kanilang kaanak. Sila mismo ay naninindigan na may foul play na nangyari dahil saksi sila sa itsura ng tama ng baril at sa sinapit ni Tesorio na malinaw na nagpapakita na sya ay tinorture.

Matapos wakasan ng Pangulong Duterte ang usapang pangkapayapaan, sunod-sunod na ang mga pronouncements niya laban sa CPP-NPA. Kasama dito ang shoot-to-kill order na naging tuntungan ng mga elemento ng PNP at AFP para sa legal na pagpatay at hindi pagsunod sa batas pandigma at sa International Humanitarian Law. Maliban sa mga retiradong miyembro, sinasama rin ng gobyerno sa listahan ang mga progresibong grupo na tinatawag niyang “legal fronts”.

Sisingilin ng mamamayan ang humahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao ni Duterte. Hindi magtatagumpay ang paglalatag ng pasista at diktadurang rehimen. Makatwiran ang pagtindig ng mamamayan para sa karapatang pantao. Ang nagkakaisang hanay ng mamamayan para labanan ang mga di-makataong pagtrato sa mamamayan ang susi sa tagumpay.

Hustisya para kina Tesorio at Rasa!
Agarang imbestigasyon para sa pagkamatay ni Tesorio at Rasa!
Igalang ang International Humanitarian Law!
Biguin at pagbayarin ang Rehimeng US- Duterte sa dumadaming paglabag sa karapatang pantao! # nordis.net

Share

Leave a Reply