Commentary: Ang nakaraan at kasalukuyan

By DEO MONTESCLAROS
www.nordis.net

Sa tuwing nakakakwentuhan ko ang mga matatandang aktibista, kapag sinabing matanda ay yaong nabuhay noong batas militar at First Quarter Storm (FQS) ng 70’s. Laging laman ng usapan ang karanasan nila, ang kalagayan ng pamumuhay noon, si Marcos at militar, ang FQS, pati na ang pormahan ng kabataan at kultura ng panahon. Kahit pala ang mga salitang binabaliktad ngayon tulad ng “lodi”, “petmalu”, “todits”, “repa”, at marami pang iba ay ginagamit na nila noon pa. Sabi nga nila ay “Naku, dati pa yan! Recycled na lang yan!” pagmamalaki nila.

Pero hindi lang ang mga salitang ‘yan ang ni-recycle ng panahon natin ngayon. Mukhang kahit ang modelo ng pag-unlad ni Marcos, estilo ng pamamalakad, kahit ang takbo ng pag-iisip ay halos magkapareho. ‘Ika nga namin ngayon ay “Galawang Marcos ‘yan!”. Mula sa ChaCha, Batas Militar, press censorship, at banta ng pang-aabuso sa mga kababaihan. Aba’y petmalu nga kung ganun. Kung nauso lang ang Facebook noong 70’s ay baka binabanatan din ng mga troll ni Marcos ang post nila Jose Maria Sison, Antonio Zumel, Satur Ocampo at iba pang mukha ng National Democratic movement. Babaha ang kanilang comment section ng “delawan ka!” at “obosen” o kaya’y “komonesta” kasi nga kritiko ng diktador. Bantay-sarado lahat ng sasabahin mo. Kung makanti mo ang imahe ng diktador – Duterte man yan o Marcos – humanda ka sa mga troll.

Halos ganoon pa rin ang naratibo ng kanayunan at kalunsuran. Mula sa pangungutang ng magsasaka sa landlord para may maitanim kada taniman hanggang mabaon sa utang at agawin ang lupa, mababang presyo ng mais at palay dahil kontrol ng trader ang presyuhan, pang-aagaw ng lupa para sa malalaking dam na pag-aari ng Tan at Consunji at dayuhang minahan ng Australia, Britain, at China hanggang sa mga engkwentro ng New Peoples Army at militar sa kanayunan. Tapos, kapag dinanas ng magsasaka at katutubo ang lahat ng iyan ay tutungo sa kalunsuran para hanapin ang swerte at grasya. Hahanap ng kamag-anak na pwedeng tirahan sa Maynila, tapos, ide-demolish ang bahay nila ng Metro Manila Development Authority at Philippine National Police utos ng lokal na gubyerno. Kasi naman tatayuan ng SM o Ayala Mall kaya bawal ang mahirap doon.

Bigla kong naalala ang kwento ng logging sa Abra ng Cellophil Resources Corp. na pagmamay-ari ng kaibigan ni Marcos at ang Chico River Basin Development Project na pinondohan naman ng World Bank. Parang nagbabalik ang mga ito sa anyo ng planong Diduyon Dam at pagmimina ng OceanaGold sa Kasibu, Nueva Vizcaya na sinalubong ng protesta mula sa katutubo at magsasaka. Kaya sa tangkang higit pang buksan ang bansa tungong 100% pag-aari ng dayuhan sa likas-yaman ng bansa, package deal ito sa Federal Constitution kaya may ChaCha. Makikitang nagtatagpo ang nakaraang problema at kasalukuyang kaayusang panlipunan. Iba nga lang ang tawag ni Marcos at Duterte sa kani-kaniyang grandiyosong plano para sa bansa pero sa kaibuturan at sa esensya ay magkapareho lang. Lalo na ang tangkang Martial Law sa buong bansa at ang mahahabang listahan ng paglabag sa karapatang tao.

Facebook lang ata ang bago sa panahon ng kabataan ngayon sabi ng matatandang aktibista. Kahit daw checkered na polo ay hindi sa amin dahil sikat na sa kanila ‘yun dati. Pero ang kalagayan ng bansa, estado ng pamumuhay, at problema ng mamamayan ay nananatiling nariyan. Minana na natin. Pagtatagpo ng noon at ngayon. E, kung ganun naman pala, kung kaya nilang magpatalsik ng diktador noon, kaya rin ng henerasyon ng kabataan ngayon.

Baka mauna ka pa sa artikulo mo.
Digong, please recycle.

Lovingly Yours,
Makoy # nordis.net

Share

Leave a Reply