Ani ng pakikibaka

Ni DEO MONTESCLAROS
www.nordis.net

Isang mainit na tanghali noong Oktubre. Naglalakad kami sa sumisingaw na aspalto na kalsada ng Tuguegarao City patungo sa opisina ng DSWD at DENR para idulog muli ang hinaing ng mga magsasaka at katutubo na inagawan ng lupa ng National Greening Program (NGP) ng DENR at ang paggigiit sa karapatan sa tulong pinansyal ng mga nasalanta ng bagyong Lawin.

KAPAG NAKIBAKA, MAY NILAGA. Mga binhing palay na ipapamigay sa mga biktima ng Bagyong Lawin. Ito ay bunga ng kanila protesta sa tanggapan ng Department of Agriculture noong Disyembre 2017. Photo by Deo Montesclaros

Habang tuloy sa pagtugtog ng awiting magsasaka ang trompa sa dyip, ay sige naman ang sigaw at chant ng mga magsasaka habang papalapit sa nasabing tanggapan. Lumalapit na ang mga yabag sa tarangkahan ng DSWD at papalakas na ang mga sigaw. Taas kamaong binati ang nagmamartsang magsasaka ng mga mamamayan mula sa iba’t-ibang bayan ng Cagayan at Isabela. Parang wala silang masidlan ng tuwa dahil sa pagkakataong yaon ay nabigyan sila ng pag-asa na muling pakinggan ang kanilang mga hinaing.

Pero bago dumating ang bulto ng raliyista sa DSWD ay nauna kami ng kasama ko para tingnan kung dumating na ba ang mga kasama namin mula sa ibang bayan. Plano namin na ayusin ang hanay nila at magkaroon ng salubungan saka tutungo sa DSWD. Kapag mas marami ay mas pakikinggan. Pagdating namin ay kinakausap na sila ng isang empleyado at may mga papel na pasok-labas sa maliliit na siwang ng gate ng DSWD. Bakas ang desperasyon ng mga nasalanta na maisama pa sila sa mabibigyan ng ayuda mula sa gobyerno. Ngunit nakakalungkot na makitang hanggang gate lang ang mga tao. Kesyo wala daw si Ma’am at Sir kaya walang haharap sa kanila at natapos na daw ang aplikasyon para sa Emergency Shelter Assistance (ESA) at ubos na daw ang pondo.

Dito na kami pumasok ng kasama ko para kumbinsihin silang sama-samang idulog ang problema sa ESA dahil kung isa-isa ay wala tayong mapapala. Ni papasukin nga sa opisina ay hindi nila ginawa pakinggan pa kaya? Sa gitna ng dagat ng tao, halos magsigawan na kami sa pagpapaliwanag, ay nagawa naming na makumbinsi ang halos lahat ng tao sa gate kaya natipon namin sila at sinalubong ang bulto.

Palakpakan at hiyawan ang bumungad sa nagmamartsang mga kasama habang sinisigaw ang mga panawagan. Nang humupa ang ingay ay isa-isa nang ipinagsalita ang mga kinatawan ng bawat barangay at bayan para ikuwento ang karanasan nila sa hindi patas na validation ng DSWD at barangay council nila. Nagamit kasi sa pamumulitika ng ilang kapitan ang pondo dahil hindi isinama sa listahan ang hindi nila kakampi. May insidente din na kahit hindi taga barangay, basta kaibigan ng kapitan, ay nakakuha ng P10,000. Sabi nga ng mga manang na nakausap ko ay dati na nilang nirereklamo ang mga nabanggit kaso hindi sila pinapansin ng DSWD. Ngayon lang daw may lumabas para kausapin kami dahil marami at sama-samang kumilos.

Pagkatapos ng halos isang oras na programa sa tapat ng DSWD ay bumigay din ang ahensya dahil makikipagharap na para kausapin ang nagpo-protesta. Paalis na sana papuntang Maynila ang Officer-in-Charge at nang malaman na may rali ay napabalik ito. Tinipon agad namin ang mga kinatawan kada barangay at bayan para masunggaban ang pagkakataon. Sa loob ng tanggapan ay mabilis naman ang usapan dahil agad silang nagbigay ng palugit sa pagpapasa muli ng listahan ng mga hindi pa nabigyan ng ESA. Dito nabuhayan ng pag-asa ang mga kasama at nagpalakpakan. Agad lumabas ang mga nakipagdayalogo at ipinamalita ang kinalabasan ng pag-uusap sa nag-aabang na mamamayan. “Umani tayo ng tagumpay!” sabi ng isang lider-magsasaka mula sa Anakpawis habang nakikipagkamay sa mga kasamang nagprotesta. Biro nga nila na kapag hindi uli sila pinakinggan ay aakyatin na nila ang bakod ng DSWD at hindi na sila maghihintay na papasukin habang naghahalakhakan ang mga nakikinig.

Nagpapasalamat ang isang nanay sa amin dahil nagbunga ang kanilang isang taon na paghihintay. Sabi namin ay hindi kami ang dapat pasalamatan kundi ang kapwa niya na nakibaka ngayong araw. Kung hindi dahil sa kanila ay hindi tayo papapasukin sa DSWD. At kung walang nakibaka ay wala tayong aanihing tagumpay. Napangiti lang si nanay at sinabing: “Oo, tama kayo dyan.”. # nordis.net

Share

Leave a Reply