Dinukot na magsasaka sa Isabela, pinalaya na

Ni DEO MONTESCLAROS
www.nordis.net

SANTIAGO CITY, Isabela – Pinalaya na ang magsasakang sina Oliver Molina at Robert Dalupang ng 86th IB kahapon, Nobyembre 18, bandang ala-una ng hapon sa may Sityo Balabal, Barangay Uno, Bayan ng Jones, Probinsya ng Isabela.

Ayon sa Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela (DAGAMI) ay ni-release ang dalawang magsasaka sa Barangay Captain ng Diasan, Echague kasama ang asawa ni Oliver Molina. Sinisikap pa ng DAGAMI at Karapatan Cagayan Valley na makapanayam ang asawa ni Molina at ang kapitan ng Brgy. Diasan para sa detalye ng paglaya.

Ang dalawang magsasaka ay dinukot noong ika-13 ng Nobyembre sa Brgy. Diasan, Echague, probinsya ng Isabela ng 86th IB. Ang dalawang magsasaka ay kapwa mula sa nasabing barangay.

Ayon sa kanilang pamilya, sina Molina at Dalupang ay nasa mabundok na bahagi ng kanilang uma upang mag-ispray ng kanilang pananim. Kanilang nakita na may mga bakas ng combat shoes sa lugar kung saan sila dinukot.
Hinanap nila ang nawawalang kaanak noong ika-14 ng Nobyembre at nakausap ang nag-ooperasyong yunit at itinangging nakita nila ang dalawa. Ayon din sa salaysaly ng sundalo na baka nag-NPA na ang dalawa.

Sa inisyal na resulta ng Quick Reaction Team noong ika-17 ng Nobyembre na pinangunahan ng Karapatan Cagayan Valley at DAGAMI ay nasa kostodiya ng 86th IB sa Balabal, Jones, Isabela ang nawawalang magsasaka. Ayon sa nagpakilalang Technical Sgt. Fernando Baldomero ay kailangan hintayin ang isang third (3rd) party na kakausap sa grupo ng Karapatan. Dagdag din ni Sgt. Baldomero na ayaw umanong kausapin ng dalawang magsasaka ang Quick Reaction Team kaya hindi sila lumalabas.

“Nagpakilala si Sgt. Baldomero kasama ang dalawang sundalo na naka-tshirt at walang nameplate. Mayroon daw silang law enforcement power kaya may karapatan silang mang-aresto pero wala naman napabalitang krimen nung araw na iyon.

Matagal kami naghintay sa kanila. Sabi ay maghintay ng 3rd party facilitator, PNP ang tinukoy nila, para mag-mediate sa usapan namin. Patago kaming kinuhaan ng litrato at pinag-logbook ng mga sundalong ayaw magpakilala,” pagsasalaysay ni Noni Abao ng Karapatan sa kanilang pakikipag-usap sa mga sundalo.

“Kinokondena naming (Karapatan) ang ginawang pagdukot sa dalawang inosenteng magsasaka. Limang (5) araw na silang nasa kostodiya ng 86th IB na malinaw na paglalagay ng magsasaka sa iligal na detensyon.

Dapat ding kondenahin ang sapilitang pagpapa-guide ng Charlie Coy-86th IB sa dalawang magsasaka para operasyong militar. Malinaw ito na paglabag sa CARHRIHL dahil sa paglalalagay sa peligro sa buhay ng dalawang sibilyan,” paliwanag ni Jackie Valencia, Secretary-General ng grupong Karapatan Cagayan Valley.

Sa record ng Karapatan Cagayan Valley ay hindi ito ang unang beses na lumabag ang 86th IB sa CARHRIHL.

Nitong nakaraan ay sangkot ang yunit sa pagpatay diumano sa dalawang magsasaka, noong ika-28 ng Agosto 2017, na Baliao, Benito Soliven na tinaguriang “Mendoza Brothers” at sa matandang mag-asawa na Valenzuela sa Sitio Calabbaguin, San Miguel, Echague noong Nobyembre 2012.

“Dapat managot ang 86th IB sa kanilang krimen sa mamamayan. Panawagan naming na lumayas sila sa mga komunidad dahil humahaba at lumalala ang paglabag nila sa karapatan ng mamamayan,” pagtatapos ni Valencia.# nordis.net

Share

Leave a Reply