Youthspeak: Sandugo, buhay at pagkatuto

By CHRISTIAN PATRICIO
www.nordis.net

Ang lupa, para sa mga katutubo, ay ang kanilang buhay. Dito nakapako ang kanilang kasaysayan at kultura. Nandito rin nakalagak ang kanilang tirahan at kabuhayan. Kaya hindi na nakapagtataka na kayang magbuhos ng dugo ang mga katutubo para sa kanilang lupa. Dahil ang lupa ay buhay.

Ang Lakbayan ay isang libro ng karanasan at pagkatuto.

Marami ang nagulat mula sa mga kasama kong estudyante nang putik ang sumalubong sa amin sa kampo. Pangalawang araw pa lang iyon ng mga pambansang minorya sa Diliman kaya karamihan ng mga istruktura (katulad ng tulugan, entablado at iba pa) ay ginagawa pa lang. Karamihan kasi ng mga kasama ko ay lumaki sa syudad at sanay sa kumportableng pamumuhay. Pero sa kabutihang palad naman ay hindi kami pinanghinaan ng loob at desididong iwinaksi panandalian ang kaburgisan para tumulong sa pagtatayo at pagsasaayos. Ang pagod ay napalitan ng tuwa at pagkakontento nang masilayan na ang produkto ng aming sama-samang pagkilos–ang Sitio Sandugo.

Nakakapagod, ngunit punong hitik sa kaalaman ang mga araw na nailagi namin doon. Kahanga-hanga ang pansamantalang tulugan at mga paliguan sa kampo. Kahanga-hanga rin ang pagiging sistematiko ng mga gawain sa kampo sa isang araw (biruin mo na halos dalawampung araw na plano iyon). Pero ang higit na kahanga-hanga ay ang mga solidong pakikipamuhay ng iba’t-ibang tribo sa iisang lugar. Tunay na isinasabuhay nito ang kanyang pangalan.

Sandugo. Paglalaslas ng mga palad at paghahalo ng mga tumulong dugo mula sa dalawang magkaibang tribo. Isang simbolikong aksyon ng pagkakaisa. Malaki ang pagpapahalaga ng mga katutubo sa kanilang lupa, kahit dugo man ang kapalit. Ang panandaliang pag-iwan sa kanilang komunidad at pagbuhos ng oras at lakas para magtipun-tipon sa sentro ng pampulitikang kapangyarihan ay isang pakikipag-alyansa. Kung gayon, isang sanduguan ang Lakbayan.

Ang pagpunta naming mga estudyante sa Lakbayan ay usapin ng pagkatuto. Kung gayon, ang pagpunta ng mga estudyante, sa isang banda, ay isa ring sanduguan. Ang pagdalaw sa Sitio Sandugo at pagsasakripisyo ng oras at ng ilang mga klase para matuto at makisalamuha ay isang solidong aksyon ng pakikiisa sa pakikibaka ng mga pambansang minorya.

Sa kanilang lupa na kung saan umaagos ang dugo dahil sa pasismo ng estado, ang pagpunta ng mga Pambansang Minorya sa Lakbayan ay usapin ng buhay at kamatayan. Isa itong tumatak na ideya sa akin noong sinabi ito ng isang taga-Marawi at muling pinatotohanan ng isang kasama pagbalik namin sa kabundukan ng Kordilyera. Kapag hindi sila nagpunta at makikiusap sa gobyerno para tigilan ang tiranya at mga pasistang atake sa kanilang mga komunidad, maagnas na lang ang kanilang mga katawan sa lupa. Pero matapang nilang hinarap ang hamon ng kanilang panahon. Sumigaw sila sa mga lansangan ng Metro Manila at ipinakita sa buong bansa ang hinaharap nilang sistematikong pambansang opresyon. Kung hindi sila at tayo kikilos, magpapatuloy ang militarisasyon at pagpatay sa mga katutubong nasa kanayunan. Kung kaya’t tama ang pahayag na ang paghihimagsik ay tiyak na makatarungan.

Ito ang mga usapin na umiikot sa aking ulo sa tuwing binabalikan ko ang aking karanasan sa Lakbayan. Sana ay maraming kabataan ang mamulat at kumilos para sa pakikibaka ng pambansang minorya at mamamayan. Tiyak na bibisita ulit ako, kung di man sa mismong kampuhan, kundi sa kanila mismong komunidad. # nordis.net

Share

Leave a Reply