Youthspeak: Katutubong kabataan, tuloy ang laban

Ni CASELLE JANNICA TON
www.nordis.net

Pangalawang Lakbayan ng Pambansang Minorya sa kalunsuran ng Maynila dahil sa mga nagdaang taon at administrasyon, hindi pa rin natutugunan ang mga hinaing ng mga katutubo’t Moro.

Pangalawang paglahok ko sa aktibidad na ito at nakita ko na ang tanging pagbabago na nangyari ay ang paglakas ng pagkakaisa ng mga katutubo at sambayanang Pilipino at ang pagkamulat ng daan-daang katutubong kabataan dahil sa mga isyung kanilang kinakaharap.

Ngayong taon ay mas maraming kabataang sumama sa Pambansang Lakbayan. Masigla ang mga katutubong kabataan na lumahok sa lahat ng aktibidad. Hindi naging mahirap para sa akin na kumilala ng ibang kabataan at magbahagi ng mga karanasan. Isa sa mga pinakamasaya at mahalaga para sa akin ang nakita ang mga mukha ng mga katutubong kabataan mula Luzon hanggang Mindanao at marinig ang kanilang mga kwento. Mas nalinawan ako sa kung paano hindi talaga naiiba at nalalayo ang isyu ng mga katutubo sa ibang lugar at sa mga kabataang nasa lungsod. May iisang ipinaglalaban, may iisang tunguhin. Kaya sa Lakbayan na ito, makikita ang pagbali sa “kawalang pakialam” ng mga katutubong kabataan. Kung nakabisita ka sa kampuhan ng Pambansang Minorya o sa mga programang inilunsad, makikita at maririnig mo kung gaano katatalino, katatas at maalam ang mga katutubong kabataan dahil sa kanilang mga pinagdaraanan. Ako mismo ay manghang-mangha sa mga kabataang mas bata pa sa akin na nagsalita sa harap ng daan-daang tao.

Dahil dito, maraming nagalit sa amin lalo na sa social media. Bakit daw kami nandoon at di na lang mag-aral o magtrabaho. Ako mismo ay natawag na “bayaran” at hindi tunay na Igorot. Maraming nagalit sa aming mga nagmula sa Kordilyera dahil sa paggamit namin ng tradisyunal na kasuotan sa mga martsa at protesta. Para raw sa mga sagradong okasyon ang mga tradisyunal na kasuotan at hindi para sa mga rali. Pinepreserba raw dapat ang mga ito. Sa panahon ngayon, hindi pagpepreserba ng kultura ang paggamit lamang ng tradisyunal na kasuotan sa tuwing may kasalan, binyag, pyesta o programa sa eskwelahan. Ang pagpreserba sa kultura ay ang pagpapaunlad at pagsasabuhay ng militansya ng ating mga ninuno.

Ipinapakita lamang ng Lakbayan at ng iba pang aktibidad gaya nito na ang katutubong kabataan ay isa sa mga nangunguna sa pagtugon sa mga isyung kinakaharap ng mga komunidad. Marami pang pangungutya at masasamang salita ang ibinato sa amin hanggang ngayon, sa internet man o hindi. Ngunit, nanatili kaming matatag. Tinapos namin ang Lakbayan, at patuloy ang aming laban sa aming mga komunidad. Kaya asahan ninyo ang pagbalik naming mga kabataan sa susunod na Lakbayan. Asahan rin ninyo ang mas malaking bilang. Kaya naman kung kagaya mo ako na isang katutubong kabataang lumaki sa syudad at nagsimula na kaunti ang kaalaman tungkol sa ating kultura, maniwala ka, ang mga ganitong aktibidad ang magpapakilala sa iyo sa kung sino tayo bilang mga katutubo.

Gaya nga ng sabi ni Andres Bonifacio, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya/ Sa pagkadalisay at pagkadakila/ Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?,” ano ba ang mas sagrado pa sa pagtindig at paglaban ng mga katutubong kabataan para sa kanilang lupang ninuno at kinabukasan?

Wala na. # nordis.net

Share

Leave a Reply