Poetry: Muni-muni sa plantsa

Ni LUCHIE MARANAN
www.nordis.net

Ito ang paborito kong blusa,
Koton, lukutin pero ok lang.
Sa paglapat ng plantsa,
Pansin ko ang maling gupit ng tela

At palihis na tahi ng modista,
Laylay ang balikat sa kanan
Bangking ang gupit sa leeg sa kaliwa,
Kaya’t buong tabas ay tabingi.
Sa tagal nang sinusuot,
Di ko pansin na ganito.
Tama lang ang lapat sa katawan
Komportable’t magaan.
Iyon bang nakasanayang bagay at
Paniniwala o akala,
Na kapag sinuri mo ay mali pala
Pero gusto mong kapitan na yun
Ang tama dahil doon ka nasanay,
Iyon ang gusto mong paniwalaan.
Ayaw mo na ng katwiran ng iba,
Di mo gusto ang paliwanag ng iba
Kasi yun ang madali para sa yo,
Bigyang-saysay ang bagay na
Alam mong yayanig sa
Iyong kinatatayuan.
E itong blusa, di ko na ipapaayos.
Ihahanger ko’t isasabit
Sa sulok ng kabinet. # nordis.net

Share

Leave a Reply