Poetry: Matematika ng tokhang

Ni ELINA M. VELASCO-RAMO
www.nordis.net

Isa, walo, tatlo, labindalawa…
Di po ako batang di pa marunong magbilang,
Ano? Nawawala si Kian? Nakalulungkot naman iyan!
By the way, sino na nga si Kian?

Kailan na nga kita huling nakita at nakausap, Tikboy?
Nang huli kong nabalitaan, ikaw at ang ilan mong kaibigan ay bangag na bangag sa drogang sa inyo ay naghatid sa mabaho at malamig na kulungan.
Isa, tatlo, ilan na nga kayo diyan na patuloy na nakatatanggap ng suplay ng drogang sa inyo ay maghahatid sa kawalan?

Isang kamang kahoy na isandaan ang renta sa bawat gabi… Ikaw na ay buhay-hari.
Isang lapad ng nakalalasing na Tanduay at limandaang piso, pati si hepe ay buhay…
Apat na raang piso kapag ang misis mo ay dumating at sa likod ng isang tabing, kayo ay nahimlay…

Masaya na sana ang lahat at ikaw ay di naibulagta at nakahandusay
pagkatapos masangkot at pinaratangang droga ang ikinabuhay
Maano lang naman ang maglagay ng sachet na may kasamang marked money bago ka nila litratuhan…

Bunso ay walang muwang na saksi nang ikaw ay pinosasan, pinapirma ng mga dokumentong ni di napagtanto ang nilalaman at saka ikinulong nang walang kakampi man lang.
Usad-pagong na kalakaran sa hustisya ikaw ay napagkaitan
Ilan pa kayang isandaang piso ang iyong hihigaan,
Ilan pang lapad ng Tanduay ang iindaing bayaran at ilan pang sachet ang lihim mong matitikman…

Anim, pito, walong libong pirasong lilang papel
ang sa iyo may itutustos,
di man mabilang
ang mga dalaw
na siya mong inaasam
at ipantutubos…
Maaga kang inihahatid sa iyong huling hantungan
Nitong mga patakarang
di man panalo’y ipinangangalandakan.

Sino nga ba si Kian? Bakit ko siya iiyakan?
Marami na kasing mga pangalan
Ngunit itong si Tikboy, bakit di magawang tangisan?
Isa, pito, labindalawang buwan
na kitang di nakakwentuhan…
Patuloy akong magbibilang kahit di na masundan
ng gunita ko kung kailan
kita huling nakasama, kaibigan. # nordis.net

Share

Leave a Reply