Golden Rice, tutulan

Ni DEO M. MONTESCLAROS
www.nordis.net

GAMU, Isabela — Nagtipon ang iba’t-ibang organisasyong magsasaka sa Isabela at siyentista mula sa Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng agrikultura (Masipag) upang pag-usapan ang bantang field testing sa 200 ektarya ng kontrobersyal na binhi na Golden Rice sa San Mateo, probinsya ng Isabela.

STOP GOLDEN RICE! Nagpahayag ng pagtutol ang mga magsasaka sa Isabela laban sa GM na bigas. Photo by Deo M. Montesclaros

Sa ginanap na porum-konsultasyon noong Setyembre 22 sa St. Micheal’s Cathedral Hall na pinamagatang “Gintong Palay, Tansong Pangako” ipinaliwanag ang banta sa kalusugan at kabuhayan ng mamamayan kapag nagpatuloy ang pagpapatanim at pagbebenta sa pamilihan ng Golden Rice.

Ayon sa Masipag, isang pambansang ugnayan ng samahang magsasaka, NGO, at scientist, ang Golden Rice ay isang Genetically Modified (GM) na produkto na dinibelop ng International Rice Research Institute (IRRI), PhilRice, at dayuhang korporasyon tulad ng Syngenta. Balak diumano nitong sugpuin ang kakulangan sa Vitamin A lalo na ang mga bata at kababaihan.

Ayon kay Chris Panerio, National Coordinator ng Masipag, ang Golden Rice ay nagbabalat-kayong pag-unlad para sa maliliit na magsasaka at isang “humanitarian project”. Ito ay katulad na tugtugin na ng Green Revolution at MASAGANA 99 noong panahon ni Ferdinand Marcos na pinagkakitaan ng dayuhang korporasyon sa agrikultura. Ginagamit lamang ng Syngenta at Monsanto (ngayon ay ChemChina at BaySanto) ang “humanitarian project” para malinlang ang maliliit na magsasaka.

“After 10 years ng High Yielding Variety ng Green Revolution ay nabaon lang sa utang ang maliliit na magsasaka dahil sa package of development na seeds, pesticides, at abono na libreng ipinamahagi. Pagkatapos ng ilang cropping at maging depende ang lupa sa abono at pesticides at saka ibinenta ang inputs sa magsasaka,” paliwanag ni Panerio.

Nakasaad diumano sa kasunduan sa magsasaka na magtatanim ng Golden Rice sa San Mateo na libre daw ang lahat ng farm inputs sa loob ng limang (5) taon at palagian ang inspeksyon ng tanim.

Dagdag pa ni Panerio na nagdulot din ng genetic erosion o pagkawala ng lokal na rice variety na itinatanim ng mga magsasaka na ginagamitan ng organikong abono at pestisidyo at likas-kayang pagsasaka. Kaya ang aktwal na pagbili ng binhi ngayon, na hindi ginagawa ng magsasaka dati, ay isang manipestasyon ng pagkontrol at monopolyo sa binhi ng malalaking agribusiness tulad ng Syngenta kasabwat ang IRRI at PhilRice. Sa datos ng Masipag ay tinatayang 113.28 bilyong dolyar ang kita mula sa GMO ng malalaking dayuhang kompanya at 10% nito o 11.3 bilyong dolyar ay mula sa GM na palay.

“Nakakasira sa kalusugan ng magsasaka ang ganitong klase ng binhi. Banta din ito sa karapatan ng magsasaka sa lupang sakahan dahil sa ngayon ay nalulubog na sa utang ang magsasaka ng HYV na palay at GM na mais kaya naaagaw ng trader at nagpapautang ang lupa namin,” paliwanag ni Nita Aprecio ng Danggayan Dagiti Mannalon Ti Isabela (Dagami) sa bayan ng Tumauini.

Nagpahayag ng suporta ang magsasaka sa kampanya kontra Golden Rice at naghahanda para sa pagkilos sa Oktubre 16 na World Hunger Day.

Katuwang sa pagsasagawa ng porum-konsultasyon ang Diocesan Social Action Center – Diocese of Ilagan, Danggayan Cagayan Valley at Isabela Permaculture Development Center. # nordis.net

Share

Leave a Reply