Crossroads: Hands off women! Lay off women human rights defenders!

Ni MARY LOU MARIGZA
www.nordis.net

Noong Martes, Oktubre 24, sumama ako sa maraming kababaihan sa isang press con sa Baguio para kondenahin ang harassment ng 7h ID sa mamamayan lalo na sa mga babaeng human rights defenders. Nitong kamakailan, ilang kababaihang health worker, development worker at community organizers ang pinagbintangan ng gawa-gawang kaso ng mga pwersa ng militar.

Pinagbibintangan ang mga women human rights defender na sumama daw sa pwersa ng NPA ssa pamamaril sa mga sundalo ng 24th IB sa Ilocos Sur. Sa lahat naman ng pwedeng ibintang, pang-aambus pa, samantalang ang dali sanang makikita ang mga kababaihan sa mga komunidad ng mga magsasaka, ng tribu, ng mga kasamak na nagdadala ng serbisyong ipinagkakait ng gobyerno.

Napakadali sana na kilalanin ang mga kababaihan na hindi nangingiming pumunta sa mga liblib na lugar para makisalamuha at makipamuhay sa mga aba at hirap nating mga kababayan. Napakadali sana na kilalanin ang mga ito na nagpapakapagod para gamutin hindi lamang ang sakit sa katawan kundi maging sakit sa kalamnan dahil sa kahirapan. Mga kababaihang naglalakad ng malalayong hindi pinapansin ng mga taong gubyerno para makapag-abot ng serbisyo at taos sa pusong maglingkod sa kanila. Taos sa pusong naglilingkod at hindi humihingi ng pabor o boto gaya ng mga politiko.

Dapat nga pinararangalan natin sila dahil hindi sila makasarili at pamilya lang ang kanilang pagseserbisyuhan. Dapat pa nga sila ay purihin dahil kaya nilang magsakripisyo na hindi laging kapiling ang pamilya, dahil itinuring na nilang mas malaking pamilya nila ang sambayanan. Dapat silang tularan na hindi personal na ambisyon, magpayaman at magsawalang kibo sa nangyayaring kaapihan at kahirapan sa ating bansa.

Sila ang mga makabagong Gabriela na susugod saan man may pangangailangan. Sila ay lakas loob na pupuna sa mga pagmamalabis ng mga nasa kapangyarihan. Sila ang mga makabagong Gabriela na sasabay sa kanilang asawa at pamilya sa pakikipagtuos sa mga mangamangkam ng lupa, mga manlulupig at mang-aapi. Hindi sila papayag na may magdanas ng pagsasamantala at handa silang ibigay ang magandang bukas sa malawak na pamilya na may kasaganaan at kasarinlan.

Nakakagigil na hanggang ngayon walang nagbago sa sitwasyon ng mga kababaihan. Target sila ng dahas ng estado, target sila ng pagsasamantala at target sila ng diskriminasyon. Nakibahagi ako sa press con at sa pagkondena sa harassment sa mga development workers at mga mamamayang naggigiit sa kanilang mga karapatan. Nakikiisa ako sa ipinaglalabang magandang kinabukasan na may hustisya, karapatan at pagkakapantay-pantay ng mamamayan – nasa kapangyarihan man o wala.

Nakakalungkot na walang ipinagbago sa sitwasyon ng karapatang-tao. Noong Martial law maraming kababaihan ang nakulong, nawala (desaparicido), nakaranas ng torture, rape at lahat na ng klase ng kahayupan sa kamay ng mga galamay ng militar. Hanggang ngayon, paulit-ulit na nangyayari ang ganitong senaryo. Nakakatakot isipin na nagiging “normal” na sa aparato ng estado – ang militar at polis – na basta na lang mag-akusa at magsampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga gusto nilang pagbintangan.

Nangyari ang mga pang-aabuso noong Martial law. Pero hindi kami natakot, bagkus kami ay lumaban. Nangyayari ulit ang mga pang-aabuso at harassment. Hindi kami natatakot, bagkus kami ay lalaban. Hanggat may represyon at pang-aapi, may lalaban at maggigiit ng karapatan. Hanggat may pagsasamantala at panunupil, may lalaban at maggigiit ng kasarinlan. Kababaihan man o kalalakihan. # nordis.net

Share

Leave a Reply