Youthspeak: Pag-alala at paglaban sa gitna ng ulan

Ni CHRISTIAN VALDEZ PATRICIO
www.nordis.net

Oo nga pala, panahon na pala ng ulan.

Ito ang tumatakbo sa isip ko noong naglalakad ako minsan sa kahabaan ng Gov. Pack Road. Kasabay ng bugso ng tao ay ang paglapat din ng patak ng ulan sa lupa.

Bigla kong naalala, tuwing Hunyo at Hulyo, karaniwang pumapasok na sa maulan at malamig na klima ang panahon sa Pilipinas. Kaya nakapagtataka talaga na inilipat ng Hunyo at Hulyo ang break ng mga college students. Noon, may dahilan kung bakit Abril at Mayo ang bakasyon. Panahon kasi ito ng tag-ani. Marami kasing mga estudyante sa unibersidad ay galing sa hanay ng magsasaka. Ang mga unibersidad naman ay medyo malayo sa mga probinsya, at ang mga estudyante ay kailangan ng kanilang mga magulang para tumulong sa pag-ani. ‘Yun ang dahilan kung bakit Abril at Mayo pa noon ang bakasyon.

Ngayon, maraming hirap na hirap na magsasaka ang nag-aani ng kakaramput nang walang kasamang mga anak. Ang iba’y hinihintay pa ang pagdating ng Hunyo at Hulyo para mag-ani para lang mayroong katulong. Kasabay ng kanilang pag-ani ay ang pagbuhos din ng ulan.

Naramdaman ko ang aking gutom at saka napaupo sa isang malapit na karinderya. Nakabukas ang telebisyon at nakatutok sa balita ang mga kasama kong kumakain. Ang balita ay tungkol sa nangyayaring Martial Law sa Mindanao. Napabalitang may mga nadagdag na mga tropa ng mga Kano sa Marawi. Matatagalan pa raw ang operasyon sa naturang lugar. Nakakalungkot isiping kasabay ng ulang pumapatak sa kanilang lupa ay umuulan din ng mga bomba, ng mga bala at ng mga dugo ng mga kapamilya, kamag-anak at mga malalapit na kakilala. Dobleng delubyo sa panahon ng tag-ulan.

Ang sunod naman na binalita ay tungkol sa Free Tuition Policy. Pero imbes na libre ang tinatawag na free tuition, bakit kailangan pa rin ng tuition collection sa mga estudyante? Imbes na mabawasan ang gastusin, mistulang magiging ulan pa rin ang bayarin sa susunod na taon.

Pagkatapos kumain ay naglakad na ako papuntang Session. Nakita ko sa isang pader sa pagitan ng tindahan ng DVD at isang bangko ay ang mga katagang Missing.

Oo nga pala. Ilang taon na rin pala noong nawala ang mga estudyanteng sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno. Mga estudyante sila ng UP na gumagawa ng kanilang fieldwork sa isang lugar sa Hagonoy, Bulacan nang bigla silang dinakip ng mga pwersa ng noong AFP General na si Palparan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakikita. Umiiyak pa rin ang kanilang mga magulang. Bumabaha pa rin ang mga dasal na sana ay makita silang buhay o makita man lang ang kanilang mga katawan para sa ikakapanatag ng kanilang kalooban.

Pagdating ko ng People’s Park, bigla akong napatigil. May kumpulan kasi ng tao sa gitna ng parke habang umuulan. Dala-dala ay mga payong, at mga kandila sa kanilang kamay. Mayroong programang nagaganap tungkol sa Martial Law, sa pagkawala ni Karen at She, patungkol sa iskema ng free tuition.

Napatanong ako. Sa gitna ng ulan, bakit may nagrarali? Bakit nagsisindi ng mga kandila kung sa huli ay mapapatay naman ito ng tubig-ulan?

Oo nga pala, hindi mapapatay ng ulan ang alab sa puso ng mga may pag-asa, ng mga lumalaban para maging katotohanan ang pag-asang gustung-gusto nila.

Lumapit ako sa kumpulan at sinabing, “Oo nga pala, ulan lang ito.” # nordis.net

Share

Leave a Reply