Crossroads: What if

By MARY LOU MARIGZA
wwww.nordis.net

Ang Hulyo ay Disaster Prevention Month. Sa mga nakaranas ng magnitude 7 lindol noong Hulyo 1990, isa itong trahedyang nagpapaala sa atin na dapat lagi tayong handa. Kung may ganito ulit na pangyayari, handa na kaya tayo?

Nito lang kamakailan niyanig din ng magnitude 6 ang Leyte at karatig na isla. Ipinapakita sa mga balita ang mga pinsala at kalagayan ng mga nasalanta. Tent city ulit ang Ormoc at araw-araw ay niyayanig ng mga malakas na aftershock. Todo galaw ang Philippine Fault ngayon at nagbabantay ang mga sayantista sa tinaguriang “The Big One” sa hindi pa gumagalaw na Marikina Fault Line. Handa na kaya tayo?

Malaki ang pinsala sa Ormoc. Malaki ang naging pinsala ng lindol sa Bohol noong Oktubre 15, 2013. Magnitude 7 maximum Intensity 7. Ang namatay ay 222 at 976 ang nasugatan. Maraming magagandang lumang simbahan ang gumuho. Nagkabitak-bitak ang mga kalsada at mga pampublikong gusali. At sa panahong tag-ulan o tagbagyo ang bira ng lindol, doble ang trahedya.

Sinabi ko sa isang porum na inilunsad ng Baguio We Want Movement noong isang linggo hinggil sa environment code ng syudad na “worst case scenario” ang kailangan nating paghandaan. Naranasan natin ang magnitude 7 noong Hulyo 1990. Pero meron palang magnitude 9 na gaya ng naranasan ng Japan na nagdulot pa ng tsunami noong March 11, 2011. WHAT IF mangyari dito sa Pilipinas?

Sinabi ng mga eksperto na ang lindol sa Tohoku, Japan na Magnitude 9 ang ika-apat na pinakamalakas na lindol sa buong mundo mula sinimulan ang recording noong 1900. Ang mga tsunami waves ay umabot ng 40 metro ang taas at sa Sendai ay pumasok hanggang 10 kilometro mula sa dagat paloob ang hampas ng tubig dagat. Alam natin na ito ang nagdulot ng pagkawasak ng Fukushima nuclear power plant at nagpalikas ng daang-libong pamilya dahil sa nuclear radiation.

Ang buong epekto ng Fukushima meltdown ay hindi pa rin natataya dahil hanggang ngayon ay may radiation leak pa rin ito. Umabot na sa Alaska at US ang mga debris galing sa Japan earthquake. May namonitor na rin na pagtaas ng presensya ng radiation sa mga isda sa Pacific Ocean malapit sa Japan.

Ang lindol noong 2011 sa Japan ay tinatayang umabot sa US$235 billion pinsala ayon sa World Bank. Ito na raw ang pinakamapinsalang natural disaster sa kasaysayan. Umabot sa 15,894 patay; 6,152 sugatan at 2,562 missing.

Paano ang kahandaan ng ating mga ospital, clinic at medical personnel? Naalala ko noong 1990, inilabas ang mga operating rooms at emergency dahil mayat-maya ay malakas ang aftershocks. Bitbit ng mga bantay at pasyente ang kanilang mga dextrose pababa sa upper floors. Dati three floors ang pinakamataas, ngayon kaya na may 5 floors na? Paano na ang evacuation procedures?

Paano ang paglilibing sa daan-daan? Noong 1990, isa sa unang naubos ang formalin at kabaong. Nakita din natin ito sa Bagyong Ondoy noong madami ang namatay sa landslide/mudslide. Tayo pa naman ay lahi ng sentimental at gustong kanya-kanya ang kabaong at libingan. Sa Luzon, wala pa akong natatandaang mass graves dahil sa sakuna, pero kung gaya ng kadami ng patay sa mudslides sa Ormoc at storm surge sa Visayas, siguro ay handa rin tayo sa mass graves.

Ang kapatid ko ay pastor noon sa UCCP Baguio at ang kwento niya sila lang na pastor at ang bangkay ang nasa altar noon. Ang mga tao ay nasa likuran kasi kung may aftershock ay mas mabilis silang makatakbo palabas. Isa sa trabaho ko sa relief center noon ang kumuha ng rasyon sa gasolina para sa mga jeep na tumutulong sa relief delivery. Noon sa Fire Department kinukuha ang kupon. Pag may aftershock, takbuhan lahat palabas (eh, dalawang palapag lang ang Fire department!) at unti-unti babalik para pumila ulit. Araw-araw nadadaanan ko papunta sa Lourdes church (kung saan naitayo ang relief center ng mga NGO) ang mga punerarya na nakabalot lang sa kumot ang araw-araw ding nakukuhang mga bangkay.

Matagal na rasyon ang gasolina kaya mas madalas ang kadilakad kaysa sa pagsakay. Kung wala ka din lang kukunin sa sentro, hindi ka lalabas kasi madalang ang sasakyan. Noon wala pang cellphone kaya ang haba ng pila sa mga lugar na may telegrama, istasyon ng radyo at telepono para ipaalam sa mga pamilya na okay lang kami.

Naranasan ko ding maglakad ng Naguilian Road paakyat ng Baguio tatlong araw pagkatapos ng lindol. Nasa Maynila ako noong lumindol kaya sinubukan naming umakyat para tumulong sa pagset-up ng relief center at kumustahin ang lahat. Sa may Yagyagan, nakasabay namin sina Pops (Manny Loste at Maureen) at marami pang iba na naghihintay makaakyat din ng Baguio dahil may dynamite blasting para mahawan ang daan sa naglalakihang mga bato. Nakasalubong naming naglalakad pababa ang mga nag-iiyakang may mga bitbit na santo at rosaryo. Sinasabihan kaming huwag nang umakyat ng Baguio dahil delikado at panay ang pagyanig, habang tuloy-tuloy ang rock fall at mudslides.

Dahil din sa climate change tumaas ang posibilidad ng malalakas na bagyo, matitinding pag-ulan at mahabang tagtuyot. Narasanan na natin ang signal number 5 noong superbagong Lawin. Ang sabi nga ng weather bureau, ang new normal na daw ay signal number 4. Kung sa Pilipinas ay inaabot tayo ng hanggang 20 bagyo sa kada taon, malaki ang kailangang paghandaan.

Sa kalagayan na hindi nasusunod ang building code, ano kaya ang mangyayari kung magkasunog sa mga lugar na nagtataasan ang mga gusali? Me fire trucks kaya na aabot ang hose hanggang 5 floors? Me mga hagdan nga kaya ang mga bombero na makakaayat ng 6 floors para magrescue? O kaya ay sapat ba ang ating fire trucks at fire personnel para mag-apula ng apoy?

Kung mangyari ang isang scenario na gaya ng Resorts World sa ating mga mall o hotel, may kapasidad kaya ang ating first responders? Ipinapaalam ba natin ang mga exit points? Kung may earthquake at fire drills, kasali ba ang mga mall? Ang mga ito ay matatao at kadalasan ang disenyo ay kulong dahil sa aircon. Madami ang namatay sa Resorts World dahil sa suffocation. Saan tatakbo ang mga tao kung may sunog, aksidente o ano pa man? Ilan sa personnel ng mga mall ang nakaka-alam ng mga emergency exit? Kung pagbabatayan ang karanasan natin noong 1990, maraming exit ang sarado (nakapadlock pa nga) kaya nahirapan sa paglabas ang mga tao. Naranasan din ito sa trahedya sa sunog sa Kentex sa Valenzuela, Bulacan.

Sa panahon ng lindol at bagyo ang unang nagsasara ay ang mga kalsada. Ano ang kalagayan ng pag-iimbak ng gasolina, pagkain at gamot? Noong 1990, lahat ng kalsada papasok-palabas ng Baguio City ay sarado. WHAT IF gaya ng Bagyong Pepeng-Ondoy masarhan ulit ang lahat ng kalsada? Kakayanin kaya natin ang kawalan?

Sa pag-alala sa mga nawala noong lindol ng 1990, sana makapaghanda tayo sa mga darating pang sakuna. Habang ipinagdarasal natin ang mga nasalanta sa Leyte, sana ihanda rin natin ang ating mga pamilya para sanay sa duck-cover maneuvers. Nakahanda ba ang emergency kit/bag? Worst case scenario ang paghandaan, kaibigan. # nordis.net

Share

Leave a Reply