7 magsasaka sa Nueva Vizcaya hinaras ng mga militar

Ni ANMA PASCUAL
www.nordis.net

DUPAX, Nueva Vizcaya — Pitong magsasaka mula sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya ang hinaras ng mga militar dahil diumano sila ay mga tagasuporta ng New People’s Army (NPA) sa kanilang lugar.

Ayon kay Juan (hindi totoong pangalan), isa sa mga magsasakang biktima, tumawag ang isang nagpakilalang Cely Rivera noong ika-24 ng Hunyo at pinapapunta siya sa isang bahay upang kausapin.

Hiningi ng mga biktima na huwag banggitin ang kanilang totong mga pangalan dahil sa takot.

Sa nasabing bahay, may pinakita sa kay Juan na listahan ng mga pangalan na lider umano ng grupo. Mariin niyang itinanggi na kilala niya ang mga tinutukoy na indibidwal. Binanggit din ng nagpakilalang Cely na may papel sa kampo ng militar na pipirmahan nila para malinisan ang kanilang mga pangalan.

Tinawagan rin umano ang anim pang mga magsasaka mula sa parehong lugar.

Hindi na bago sa mga magsasaka ang pagpapapirma ng mga dokumento na hindi nila alam ang nilalaman. Dati na ring may nagpakilalang Maj. Raymond Dulnuan sa mga magsasaka noon at pinapirma sila sa isang dokumento na hindi nila alam ang nilalaman. Dahil sa takot ay pumirma ang ilan sa kanila.

“May pinapirma sa amin na parang survey pero hindi namin alam kung ano, para malinisan daw ang pangalan namin,”sabi ni Pedro (hindi tunay na pangalan), isa sa pitong biktima.

Mula sa unang pagtawag noong ika-24 ng Hunyo, tuloy-tuloy na ang pagtawag tuwing gabi sa mga nasabing magsasaka. Tinatanong at pinapamanmanan ang mga estudyante na nagsasagawa ng pananaliksik sa kanilang lugar. Inaalok siya ng militar na makipagtulungan sa kanila upang manmanan ang mga bagong mukha sa kanilang lugar.

“Kami ay kinakabahan tuwing gabi dahil sila ay mga militar. Baka dukutin o i-salvage nalang kami dyan,” ayon sa isa pang biktima.

Kasalukuyang may land dispute case sa pagitan ng mga magsasaka at sa umaangkin sa lupang sinasaka nila. # nordis.net

Share

Leave a Reply