Mangrove Forests bilang proteksyon sa baybayin

Ni MARY LOU MARIGZA
www.nordis.net

Ipinakita na ng ating karanasan sa madalas na storm surge na napakalaki ng pinsala at kawalan sa buhay at ari-arian. Ang mahabang baybayin at mga ilog ang nagdidikta ng ating bulnerabilidad sa taunang pagbaha na namiminsala sa ating kabuhayan at mga imprastruktura.

FIDDLER CRABS. In a mangrove recovery area fiddler crabs repopulate the sanctuary soon to be able to feed natural predators and bring back the area’s biodiversity and productivity. Photo courtesy of Kaduami

Subalit nasa kagandahan ng ating kalikasan na nabigyan din tayo ng mga buhay na pananggalang sa ganitong mga sakuna: ang mga bakawan o parakad o mangroves. Sa karanasan din natin, ang mga parakad (Iloko term para sa mga bakawan) ang dati na nating proteksyon sa mga sabangan at baybayin. Ang bakawan ay isang pamilya lang ng mangrove na kung tawagin ay Rhizopora. Marami pang pamilya ang mangroves gaya ng pagatpat, saging-saging, pototan, bantigi, nipa (opo, ang pinangkukuhanan natin ng tuba at suka ay isang klase ng mangrove).

Noon ay marami tayong pamilya ng parakad, kasama na ang nipa, talisay, niog na nabubuhay at halos bakod na natin sa dagat. Subalit dahil sa naging programa ng gobyerno sa pagpapadami ng aquaculture, mali na pinutol ang mga ito upang itayo ang mga fishpens. Fishpens na nag-alaga ng mga produktong daga na pang-eksport gaya ng lobsters, malaga, prawns. Mangilan-ngilan ang nag-alaga ng bangus at tilapia para sa lokal na konsumo. At mangilan-ngilan din ang muling nagtanim ng mga parakad at niog para protektahan ang mga rekurso natin sa dagat at ilog.

Dahil dumami ang mga pribadong fishpen na nagbebenta na ng mga semilya ng bangus at ibang isda, hindi na pinagtuonang pansin ng ating mga ahensya ng gobyerno ang mga natural na binabahayan ng mga lamang dagat. Napabayaan na rin ang mga coral reef na pangitlogan ng mga isda at iba pang buhay sa dagat gaya ng seaweeds at sea shells.

Alam natin na pag sinira mo ang isang parte ng ecosystem, may sisirain ka ding ilang parte ng maselang ecosystem. Pag nawala ang coral reef at marine habitat, mawawala ang mga isda at marami pang buhay na nakasandig dito. At kapag nawala ang mga buhay na bakod sa mga baybayin at ilog, nawawala din ang ating proteksyon na malalakas na hangin at alon.

Nakita ito ng mga maliliit na mangingisda. Napag-aralan nila na kailangan ang mga parakad bilang proteksyon sa mga storm surge, baha at climate change. Sa isang taong participatory action research na isinagawa ng Katinnulong Daguiti Umili iti Amianan (KADUAMI) sa 5 bayan sa La Union, pinatotohanan ng mga mangingisda na nawawala na ang kanilang kabuhayan dahil din sa pagkawala ng mga mangrove at climate change.

Isa sa nakita ng mga mangingisda na pantulong sa kanilang kabuhayan ay ang pagtatanim ng parakad. Sa Aringay, ang TIMEK (Timpuyog dagiti Mangngalap) na isang organisasyon ng mga maliliit na mangingisda ay nagtanim ng parakad malapit sa ilog at sabangan. Tulong-tulong ang mga mangingisda na sinamahan ng mga tauhan ng Kaduami. Sila mismo ang nag-alaga at nagdagdag pa ng ilang tanim. Isa itong maliwanag na inisyatiba ng mga mamamayan para sa kanilang pamayanan at kabuhayan.

Isang taon pagkatapos makapagtanim ng 2,000 binhi, lumago ang mga ito at nadagdagan pa ng mga naianod na bunga ng ibang puno. Ang mga binhi ay galing sa buto ng parakad sa katabing baryo ng Samara na nagkusa na manguha ng binhi para sa kanila. Sa pagbisita sa Samara noong 2015, abot balikat na ang taas ng mga naitanim at me mga suso (shells), ibon at bubuyog na makikita na doon. Nitong Mayo 12 sa muling pagbisita ng Kaduami sa lugar, nakita ang mga fiddler crabs, suso at mas matangkad na sa tao ang maraming parakad. 

Ang gandang pagmasdan ang mga naglipanang fiddler crabs sa baybayin! Animo’y mga puting perlas na naikalat sa baybayin. Iniulat din ng mga mangingisda na bumalik ang mga talaba sa mga itinusok nilang mga kawayan. Hindi malayong lalago pa ang kanilang beach forest dahil nagkukusa nang magtanim ng mga parakad ang mga mangingisda. Nakita nila ang magandang epekto ng kanilang mga pinagpaguran sa kanilang kapaligiran at kabuhayan.

Nakakataba din sa pusong malaman na napansin din ng mga mangingisda na nabawasan ang pagbaha sa kanilang lugar dahil sa paglago ng mga tanim. Di gaya noong Bagyong Ondoy at Pepeng na inabot lampas tao ang baha, nitong super bagyong Lawin mababa lang ang tubig.

Sa Bauang, La Union noong 2015 na recon survey ng KADUAMI ay may 11 na nakitang klase ng mangrove. Mas malawak ang lupain sa baybayin at tabing ilog na nabubuhay ang mga parakad dito. Mas matagal na din silang nagtatanim nito sa tulong ng lokal na gobyerno. Pangarap ng munisipyo na gawing isang lugar para sa eco-tourism ang mga barrio na may tanim na mangrove. Ipinadala na din sa treyning para sa pamamahala ng mangrove ang ilang kagawad ng mga baryo para mas lalo pang paramihin ang kaalaman hinggil dito.

Malaki ang potensyal ng mangrove forest hindi lang bilang buhay na proteksyon sa hangin at malakas na alon. Malaki din ang potensyal nito para maibalik ang taba ng lupa, pangitlogan at kanlungan ng mga isda at iba pang lamang dagat. Malaki din ang potensyal nito para sa kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda at pamilya nila.

Ayon sa mga siyentista, malaki ang tulong ng mangroves sa pagkuha ng carbon mula sa kalikasan na tulong sa pag-aalis ng polusyon at pag-init ng planeta. Kasing laki o mas malaki pa ang kayang hugutin ng mangroves na carbon kumpara sa mga kahoy sa bundok at lambak. Mahalagang paramihin at ibalik ang mga beach forest kagaya ng mangroves. # nordis.net

Share

Leave a Reply