Tinututulan ang malaking pagmimina sa Cagayan

Ni PAULINE SAGALONGOS
www.nordis.net

CORDON, Isabela — Inilunsad ang regional caravan upang ipahayag ang mariing pagtutol sa dayuhan, malakihan at mapaminsalang minahan sa Cagayan Valley bilang pagdiriwang ng Earth Day. Naganap ito noong ika-21 ng Abril sa Cordon, Isabela, kung saan naroon ang isang malaking minahan sa rehiyon. Pinangunahan ito ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Cagayan Valley (Danggayan – CV), ang rehiyonal na pormasyon ng mga magsasaka sa Lambak Cagayan, lokal na tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Nagkaroon ng porum sa umaga na nagtalakay sa pambansa at rehiyonal na sitwasyon ng ating kalikasan at sinundan naman ito ng kilos-protesta sa tanghali upang ipanawagan ang pagtigil ng mapanirang dayuhang minahan sa rehiyon tulad ng Golden Summit Mining Corporation sa Cordon, Isabela.

Ayon kay Reynaldo Gameng, taga-pangulo ng Danggayan dagiti Mannalon ti Isabela (Dagami), ang organisasyon ng pesante sa Isabela, “itong malawakang kilos protesta ay para irehistro ng mamamayan ang kanilang malinaw na tindig ng pagtutol sa pagpasok ng minahan sa kanilang komunidad na nakasisira sa kanilang kabuhayan, kalikasan at kalusugan.” Idinagdag pa niya na sa pagpasok ng minahan sa kanilang komunidad, malaki ang posibilidad na mawalan ng lupang sakahan ang mga magsasaka tulad ng nangyari na sa iba pang mga lugar sa bansa kung saan may operasyon ng minahan.

Ang Golden Summit Mining Corporation (GSMC) ay isang mabigat na pasakit para sa mga taga-Cordon, dahil sa pagkamkam nito ng mga lupain ng mga magsasaka’t katutubo, dagdag pa rito ang pagkontamina sa mga ilog dahil sa mine tailings na lubhang nakakaapekto sa kabuhayan at kalusugan ng komunidad.

Sabi ni Ben Cardenas, secretary-general ng Danggayan, “Dahil sa kanilang mine tailings, nangangamoy krudo na ang ilog Diadi at hindi na rin makain ang mga isda mula rito. Iba na rin ang lasa ng tubig galing poso sa mga barangay na malapit sa minahan tulad ng Brgy. Anonang at Kakilingan.”

Dahil sa masangsang na amoy ng ilog, ang mga lokal na nakatira sa tabing ilog ay nakakaramdam ng iba’t ibang sakit tulad ng pananakit ng tiyan at ulo o minsan pa nga’y pagsusuka. Sa katunayan, iligal ang operasyon ng GSMC dahil exploration permit lamang ang kanilang hawak ngunit patuloy sila sa pagbungkal at pagkuha ng mga mineral sa Cordon. Kaya naman mula noong nagsimula ang operasyon nito noong 2013 hanggang ngayon, mariin pa ring tinututulan ng mga lokal ang GSMC. Ayon kay Cardenas, “Kung hindi kami lalaban ngayon, wala na silang [susunod na henerasyon] makikitang bundok.”

Nakikiisa rin ang iba’t ibang organisasyon mula sa iba’t ibang probinsya na may mariing ding pagtutol sa dayuhang pagmimina tulad ng Samahang Pangkarapatan ng Katutubo, Manggagawa, at Magsasaka Inc (Sapakkmmi) Nueva Vizcaya, Timpuyog ti Mannalon ti Quirino (TIMIQ) at Kagimungan Cagayan. # nordis.net

Share

Leave a Reply