Pamangkin ng Pangat*

Ni KING CIMATU
www.nordis.net

Dalawang alamat; ang una ay kay Berberoca, ang malignong higante sa mga kuwento ng mga Tingguian, na minsa’y nahiga sa Ilog Chico na siyang naging sanhi ng pagkatuyot at pagkalubog ng mga ili at pilapil hanggang sa mga talangka mismo ang lumusob at siya’y pinagsisipit-sipit hanggang sa ang higante’y umalis.  

Pangalawa ay kay Evangeline Dulag, pamangkin ni Macli-ing, ang pangat ng Tingalayan (at pinuno ng mga lumalaban sa Chico River Dams Project).  Ang bata ang siyang nakapanood sa pagpaslang kay Macli-ing, mula noong Abril 24, 1980 ay hindi na raw nakapagsalita.

Ang nakakatindig-balahibo ay nang muli siyang narinig
At parang kanina lang
Ang ilang taon nang paglibing sa tinig

At kung may himig man ay ipinukaw na ng isip
At tinig mo ma’y ipinalibing na rin;
At kung may himig man ay isinayaw na ng ihip

At di lahat ng awiti’y naiidlip – ang mga bundok ng apog
Ang minsang tangan ng minsang karagatan;
Na kung may himig man, ito’y hindi ang pagpapasabog.

At kung may himig mang natangay, ito’y di naaawit
At kung may indayog man ang kulog;
Ang himig ay di palulupig sa awit ng mandaragit.

At sasabihin nilang may mas buod, may tingkad
Ang kanyang pagkamatay,
Ang mahati sa tuod ang pamumukadkad.

Ang nagbubundok na pagkamulat ay di naguguho
Sa isang pagtitimbuwang, isang pag-iilog
Isang karagatan man ang kanilang maipapangako

Ito’y para ang bininyagang tanikala, ang bayang Tinglayan
Na di pa masagwan ng mga uwak
Ang ngayo’y malulubog sa ngalan ng kaunlaran.

Ang daluyong ng tinig ay di maaaring magpakalunod
Sa uod, sa dugo at tabing
Ang kulog ay di lamang sa unos sumusunod.

At siya’y naging kulog sa tigang na ilog
Na sa panahon ng tagtuyot
Ay hinihigop ang pambabad sa binhing tulog.

At ngayo’y panahon na naman ng uwak
Kung may uwak pa
Sa pilapil ng bala na lininang ng tabak.

At katahimika’y ginagapas ng nalantang galit, ng takot
Maliban na lang sa pagsamba
Sa buto ng iba para himik niya’y mahakot.

Sa isang pagdiriwang
Nagsisimula na ang kanyaw
Pumipintig ang sulibaw
Umaalingawngaw ang gangsa sa binitiwang sigaw

Ng pangat na nimo’y talangkang napisa nang tinangkang
Mahiga sa apat na bahagi ng ilog
Ang higanteng Berberoca na semento ang tadyang;

Na sibat at bala’y di pa madaplisan ngunit sa pagsipit
Ng mga talangka’y napatayo
Ang maligno, at napatakbo at di na bumalik

“No ania ti kayatyo kaniak, agsarita tayo no lumawag.”
Ang huling isinigaw ng pangat sa gabing iyon
At ang muli mo na namang narinig ngayong lumiwanag.

Marahil tinangay ng ihip, ng kulog, ng panahon;
Ng mga bundok bago ibinalik
At ngayo’y naghihintay sa iyong pagtugon. # nordis.net

* Mula sa Ani Volume V No. 1, January-April 1991. — Ed

Share

Leave a Reply