Poetry: Ang Everywoman

Ni LUCHIE MARANAN
www.nordis.net

Ay ikaw, ako, siya.
Karaniwang babae, nakakasalubong sa kalsada,
Patuloy na nakikipagbuno’t nakikibaka
Sa mga hamon at sigwa ng buhay na aba.

Ang everywoman ay
Nagkukumahog tumungo sa trabaho sa pabrika,
Nagtatanim ng binhi na aanihin sa lupang inagaw sa kanya,
Katutubo siyang nagtatanggol sa lupang ninuno na sinasalanta ng puhunang banyaga,
Siya ang gurong pagal sa pagtuturo sa eskwela,
Inang tuliro sa paghahanap ng gamot ng anak na may sakit na malubha,
Mag-aaral na sinasakal ng gahaman na matrikula,
Kawaning naghahanap ng dagdag na pagkita,
Tinderang suong ang mabigat na paninda habang palinga-linga kung may tutugis sa kanya,
Siya’y nagsisilbi sa ibang bayan
Pangungulila sa mga mahal ay sinasangga 
Babaeng siyang nagmamahal sa kapwa babae ngunit naaalipusta,
Aktibista siyang dinarahas, dinarakip sa kanyang paniniwala
Na dapat baklasin ang makauring sistema.

Ang everywoman ay ina, kapatid, kaibigan, kasama.
Siya ang babaeng katabi mo ngayon
Na nagtatanong, naghihintay at naiinip
Sa pagbabagong ipinangako sa kanya,
Siya ang nag-aatubili, nakikitunggali sa sarili,
Ngunit matatag na nagpapasiya kung
Kaninong panig siya:
Sa mga babaeng nasa mapang-aping uri
O sa hanay ng gagapi sa daang taong pang-aapi.

Ang everywoman ay tumutungo
Sa lansangan at nakikisangkot
Sa panawagan ng mamamayan
Para sa katarungan at kapayapaan,
Naroon din siya, nakakapit sa sandata upang pangalagaan
Ang mga tagumpay ng digmang bayan.

Tayo ang everywoman
Karaniwang kababaihan,
Humahanay sa lumalabang Sambayanan,
Tunay at di nabubuwag ang makauring Paninindigan. #nordis.net

Share
« «  Burburtia Krokis   |   HOR visits Lepanto  » »

Leave a Reply