Mamamayan ng Ilocos, nanawagan sa pagbasura ng Oplan Bayanihan

Ni NIÑO OCONER
www.nordis.net

VIGAN CITY — Bilang paggunita sa ika-68 taong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, nagmartsa ang mahigit isang libong mamamayan ng rehiyon ng Ilocos upang protestahan ang nagpapatuloy na paglabag sa karapatang pantao at militarisasyon ng komunidad sa rehiyon sa ilalim ng programang Oplan Bayanihan.

Ang nasabing kilos-protesta ay pinangunahan ng mga organisasyon ng Bagong Alyansang Makabayan-Ilocos (Bayan-Ilocos), Ilocos Human Rights Alliance (IHRA), Solidarity of Peasants Against Exploitation (Stop Exploitation), Gabriela, La Union Peace and Justice Alliance (LUPJA), Alyansa dagiti Mannalon ti Ilocos Norte (AMIN), Martial Law Victims Association of Ilocos Norte (ML VAIN), Save Quirino Movement (SQM), Anakbayan, mga pari at pastor ng iba’t ibang simbahan sa Ilocos, at iba pang mga organisasyon at indibdwal.

Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang “Salubungan” ng mga delegado mula Ilocos Norte at mga delegado mula Ilocos Sur at La Union sa plaza ng Lungsod ng Candon. Maikling programa ang inilunsad sa harap ng Simbahang Katolika sa nasabing lungsod at pagkatapos ay isang caravan ang isinagawa mula rito patungong bayan ng Sta. Cruz, Ilocos Sur upang doon ipagpatuloy ang programa.

Sa mga programang isinagawa, inilahad ng mga tagapagsalita ng iba’t ibang organisasyon ang nagpapatuloy na mga paglabag sa karapatang pantao sa rehiyon. Tinukoy ng mga tagapagsalita ang pagpapatuloy ng mga combat operations ng Armed Forces of Philippines (AFP) sa mga komunidad ng Ilocos Sur lalo na sa ikalawang distrito sa kabila ng pagkakaroon ng AFP at New People’s Army (NPA) ng magkakasariling unilateral ceasefire. Ayon sa kanila, mga pwersa at sundalo ng AFP ang hindi sumusunod sa sariling deklarasyon ng tigil-putukan. Isiniwalat din sa programa ng mga tagapagsalita mula sa mga komunidad ang ipinapahayag umano ng AFP na “tanging NPA lamang ang mayroong ceasefire”. Kinondena ito ng mga nagpoprotesta at nanawagan ng pagpapalayas sa mga sundalo ng AFP sa mga komunidad at mga baryo.

Sa iba pang bahagi ng programa, nanawagan ang mga organisasyon at mga mamamayan ng pagsuporta sa nagaganap na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ayon sa kanila, dapat na suportahan ang nagaganap na usapang pangkapayapaan upang masagot at masolusyunan ang dahilan ng armadong paglaban. Nanawagan din ang mga mamamayan na dapat ilinaw at pagkaisahang mabuti ang mga polisiya hinggil sa pagpapatupad ng tigil-putukan upang hindi malabag ang karapatang pantao lalo na ng mga sibilyan sa mga komunidad. Ipinanawagan din nila kay Pangulong Rodrigo Duterte na dapat na nitong palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal. Ayon sa kanila, ang pagpapatuloy ng pagbibilanggo sa mga ito ay paglabag sa mga naunang kasunduan ng NDFP at Gobyerno ng Pilipinas. Idinagdag pa ng mga grupo, na hindi dapat gamitin ni Duterte ang pagkakabilanggo ng mga ito bilang kondisyon sa usapang pangkapayapaan.

Samantala, sa gitna ng pagtitipon ng mga organisasyon at mamamayan, makailang ulit na pinuna ng mga tagapagsalita ang panggugulo ng mga ahente at intel ng AFP at pulisya sa programa. Nanawagan ang grupo na hayaang silang makapagprograma at itigil ang mga lantarang panghaharass ng mga ahente sa kanilang aktibidad.

Matapos ang programa, isang ‘human chain’ ang isinagawa ng mga delegado sa aktibidad at isinigaw ang mga panawagan para ibasura ang Oplan Bayanihan at itigil ang militarisasyon sa mga komunidad. Mapayapang nagtapos ang programa at naghiwahiwalay ang mga delegado ng nasabing aktibidad. # Niño Oconer

Share

Leave a Reply