Statements: Tutulan mapanlinlang na “peace” at “development” ng AFP sa Cagayan Valley

Nang KARAPATAN — CAGAYAN VALLEY at CAGAYAN ALLIANCE OF HUMAN RIGHTS ADVOCATES
www.nordis.net

18 Nobyembre 2016

Walang naganap na tunay na demokratikong konsultasyon sa pagtatayo ng “Peace and Development Team (PDT)” sa mga barangay ng Masi, Bural at San Juan sa Rizal, Cagayan. Mula ika-7 ng Nobyembre, iligal na nagbabad sa mga barangay hall ng Masi, San Juan at Bural ang 60 sundalo ng 17th Infantry Battalion Philippine Army (IBPA) ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Samantalang sa katabing bayan ng Allacapan ay 800 sundalo ang idineploy. Pinatawag ng mga militar ang 29 kapitan ng Rizal at pinapirma sa kasulatan-ng-pagsang-ayon sa pagpasok ng mga sundalo sa kanilang mga baryo sa porma ng PDT. Ang mga PDT diumano ay para sa kampanya laban sa droga, pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo at pagbabantay sa “road construction project”.

Lubhang nakababahala ang biglang pagdami ng mga elemento ng AFP sa lugar. Marami at malaki na ang utang na dugo ng AFP sa mga mamamayan ng Zinundungan Valley (ZV) at buong Cagayan. Ito ay pagpapatuloy ng Oplan Bayanihan, isang kontra-insurhensya at anti-mamamayang atake na nagpapalala sa paglabag sa karapatang pantao.

Mula sa panahon ng Martial Law, hindi mabilang ang pinatay, dinakip, tinortyur at na-hamlet sa lugar. Marami na ang nagbuwis ng buhay na mga lider magsasaka katulad nina Nelson Asucena (2006) at Ronald Beran (2013). Tinortyur, dinakip at kinulong si Vicente Agbayani (2011). Mayroon 76 katao ang sinampahan ng gawa-gawang kaso ng AFP noong 2015. Tatlong Aggay at 1 magsasaka ang kasalukuyang nakakulong sa gawa-gawang kaso. Mahaba pa ang listahan ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ZV, mula pa noong panahon ni Marcos magpahanggang sa kasalukuyan. Subalit wala pang nakakamit na katarungan ang mamamayan.

Mahirap ang buhay ng mga mamamayan ng ZV bunga ng deka-dekadang kapabayaan ng pamahalaan sa serbisyo at pagkakait sa karapatan ng mga magsasaka at katutubong mamamayan sa lupa. Dagdag pahirap pa ang patuloy na miltarisasyon sa kanilang mga baryo at paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan sa lugar.

Lumalala ang kalagayan at tumitingkad ang kapabayaan ng pamahalaan sa panahon ng kalamidad katulad ng katatapos na Bagyong Lawin kung saan nasalanta ang kabuhayan, pananim at kabahayan ng mga mahihirap na magsasaka at katutubong mamamayan.

Magiting ang kasaysayan ng paglaban ng mamamayan ng Zinundungan para sa karapatan sa lupa, mababang interes sa pautang, kahilingan sa panahon ng kalamidad at iba pang serbisyong panlipunan. Mayroong likas na kakayahan ang mamamayan na bumangon sa panahon ng kalamidad sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pagkilos at pagkakaisa. Malaking dagok at pahirap sa mamamayan ang mapanlinlang na pagpopostura, psywar, pagmamanman at pandarahas ng militar. Mapanlinlang din ang kampanyang kontra-droga na kadalasa’y matataas na opisyal ng AFP at Philippine National Police (PNP) naman ang kasangkot. Sa katunayan, mahigpit na ipininagbabawal ng mga samahan ng mamamayan sa ZInundungan ang paggamit ng iligal na droga sa kanilang mga pamayanan.

Kaya’t mariing kinokondena ng Karapatan Cagayan Valley at Cagayan Alliance of Human Rights Advocates (CAHRA) ang pagbabalik ng 17th IBPA sa 3 barangay ng Zinundungan Valley sa ngalan ng “peace” and “development (PDT)”. Naninindigan ang mamamayan ng Zinundungan at buong Cagayan Valley na labanan ang tumitinding militarisasyon sa kanayunan at ipaglaban ang kapayapaang nakabatay sa katarungan at pagkilala sa demokratikong karapatan ng mamamayan.

Palayasin ang 17th IBPA sa Zinundungan Valley!
Ilantad at labanan ang Oplan Bayanihan!
Resolbahin ang ugat ng armadong tunggalian!
Ipaglaban ang matagalan at makatarungang kapayapaan! # nordis.net

Share

Leave a Reply