Protesta laban sa Marcos naganap sa Vigan

Ni NIÑO OCONER
www.nordis.net

VIGAN, Ilocos Sur — Pinangunahan ng pormasyon ng Bagong Alyansang Makabayan, Anakbayan at iba pang mga organisasyon sa rehiyon ang isang kilos-protesta sa probinsya ng Ilocos Sur para kundenahin ang pagpapalibing kay dating Presidente at yumaong diktador Ferdinand Marcos, Sr. sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) at pagtatanghal dito bilang isang bayani.

ILUSYON ANG SOLID NORTH. Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan at Anakbayan Ilocos ang isinagawang protesta sa Vigan City noong Nobyembre 25, 2016 bilang pagkundena sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ipinahayag din ng grupo ang pagtutol nito sa alyansang Duterte-Marcos at nanawagan na dapat na itong wakasan at papapanagutin ang mga Marcos sa mga krimen nito sa mamamayan. Photo ni Niño Oconer
ILUSYON ANG SOLID NORTH. Pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan at Anakbayan Ilocos ang isinagawang protesta sa Vigan City noong Nobyembre 25, 2016 bilang pagkundena sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ipinahayag din ng grupo ang pagtutol nito sa alyansang Duterte-Marcos at nanawagan na dapat na itong wakasan at papapanagutin ang mga Marcos sa mga krimen nito sa mamamayan. Photo ni Niño Oconer

Ang nasabing aksyon ay bilang tugon sa malawakang kilos-protestang isinagawa noong Nobyembre 25 bilang pagkundena sa biglaang pagpapalibing kay Marcos sa LNMB at pulitikal na rehabilitasyon ng mga Marcos sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Renz Kang ng Kabataan Partylist Ilocos, ang ‘panakaw’ na paglilibing kay Marcos sa LNMB ay hindi na nakapagtataka at natural umano na gagawin ng mga Marcos para tuluyang ilibing maging ang mga kasalanan nito sa mamamayan mula noong panahon ng Martial Law.

Dagdag pa ni Kang, na ang protestang isinagawa sa Vigan City laban sa mga Marcos ay simbolismo na isang ilusyon lamang ang ‘Solid North’ na ipinagmamalaki ng mga Marcos at tagasuporta nito. Ayon din sa lider-kabataan, maging ang probinsya ng Ilocos Sur at Ilocos Norte ay biktima rin ng pasismo sa ilalim ng Batas Militar. Sa panahong iyon, aniya, naranasan ng mamamayan ng Ilocos ang bangis ng warlordismo na sa halip na pigilan at sawatahin ng mga Marcos ay ipinalaganap pa nga at inaruga.

Sinabi din ni Kang, na hindi lamang ang simpleng pagpapalibing sa bangkay ni Marcos sa LNMB ang tinututulan nila kundi ang mensaheng nais nitong iwanan sa mamamayan na si Marcos ay isang bayani at dapat parangalan. Aniya, hindi umano sila basta na lamang makaka-‘move on’ gaya ng nais ng mga Marcos at tagasuporta nito hangga’t hindi nagbabayad ang mga Marcos sa mga kasalanan nito sa taumbayan. Dagdag pa, nagpapatuloy ang korapsyon, pamamaslang, tortyur, militarisasyon ng mga komunidad, warlordismo, at pasismo sa Ilocos, na ayon kay Kang ay pamana at nagmula pa sa panahon ni Marcos at ito diumano ang mga nais burahin at baluktutin sa pamamagitan ng pagpapalibing kay Marcos sa LNMB.

Sinabi rin ng lider-kabataan, na hinding hindi sila mananahimik lalo’t unti-unti nang nakabalik sa kapangyarihan ang mga Marcos. Nagbanta rin ang grupo na patuloy nilang poprotestahan ang pagpapanumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan lalo na ang pagtatangka ni Bongbong Marcos na makabalik sa Malacañang.

Nanawagan din si Kang sa mga kabataan, lalo na ng Ilocos, na patuloy na pag-aralan ang kasaysayan. Maraming bayani sa Ilocos, ayon sa kanya, na maaaring paghalawan ng inspirasyon ng kagitingan, katapangan at paglaban gaya nila Diego at Gabriela Silang, at Isabelo delos Reyes. Ang mga bayaning ito, dagdag pa niya, ay siyang tunay na mga bayani ng mamamayan ng Ilocos at ng buong Pilipinas at hindi ang isang tulad ni Marcos na nagnakaw ng bilyong pisong kaban ng mamamayan at may salang krimen laban sa sangkatauhan. # nordis.net

Share

Leave a Reply