Mga tagumpay, aral sa pakikibaka ng Cordi para sa sariling pagpapasya

Ni JILL K. CARIÑO
www.nordis.net

MAPTENG JEN AGEW SON SIKAYON EMIN! Mahigit apat-na-pung taon na po ang pakikibaka ng mga mamamayan ng Cordillera. Mahigit 40 taon ng sama-sama at militanteng pagkilos ng mga katutubong mamamayan upang depensahan ang aming lupang ninuno at kamtin ang karapatan sa sariling pagpapasya sa anyo ng tunay na panrehiyong awtonomya. Ang laban na ito ay may malalim na pinag-uugatan sa kasaysayan ng Pilipinas. Ito po ay pagpapatuloy sa tradisyon ng tatlong-daan-taong (300 years) resistance ng aming mga ninuno laban sa pananakop ng mga kolonyalistang Espanyol at Amerikano. Ang aming mga ninuno ang siyang lumaban at nagtanggol sa aming lupa, likas-yaman at katutubong identidad laban sa pang-aagaw ng mga dayuhan. Sila po ang dahilan kung bakit nagpapanatili pa hanggang ngayon ang ating katutubong kultura at kung bakit nandito tayo ngayon bilang mga pambansang minorya.

Jill K. Cariño, Cordillera Peoples Alliance Vice-Chair for External Affairs, during the Launching Assembly of SANDUGO, Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-determination. Photo by Rendilyn Cuyop
Jill K. Cariño, Cordillera Peoples Alliance Vice-Chair for External Affairs, during the Launching Assembly of SANDUGO, Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-determination. Photo by Rendilyn Cuyop

Balikan po natin ang magiting na kasaysayan ng pakikibaka ng mga mamamayan ng Cordillera sa nakaraang 40 taon.

Noong 1970s, nagplano ang diktaduryang Marcos na magtayo ng apat na dam sa Ilog Chico sa Mountain Province at Kalinga. Pinondohan ito ng World Bank upang mag-generate ng elektrisidad para sa mga industriya tulad ng pagmimina. Ngunit mahigpit na tinutulan ang proyektong ito ng mga Kalinga at Bontoc dahil haharangin nito ang malaking ilog, babahain niya ang maraming komunidad, sisirain ang malawak na payaw at kagubatan, at aagawin ang lupang ninuno na siyang batayan ng buhay ng mga katutubo.

Sa kabilang probinsya ng Abra, nagtayo si Marcos, at ang kanyang kakumplot na si Disini, ang isang napakalaking logging concession at paper pulp mill na tinawag na Cellophil. Kinalbo ng Cellophil ang napakalawak na pine forest ng mga mamamayang Tingguian at sinira ang kalikasan ng Abra at kalapit na mga probinsya.

Sa panahon ito, nakita na mga nagpoprotesta na hindi sumasapat ang legal na pamamaraan tulad ng mga petition, rally at dialogue. Nagdesisyon ang mga katutubo sa kanayunan ng Cordillera na pumasok sa armadong pakikibaka na inilulunsad noon ng New Peoples Army (NPA). Daan-daang mga katutubo ang sumapi sa NPA dahil sa paniniwalang hindi kakayaning ipatigil ang mga proyekto kung wala silang armas na pangdepensa sa kanilang mga komunidad. Nabuksan din ang kanilang isipan sa ugat ng mga problema sa lipunang Pilipino at kung bakit kailangan magrebolusyon upang igiit ang kanilang mga demokratikong karapatan. Kasabay nito ang matinding militarisasyon sa ilalim ng batas militar upang ipagpilitang maipatupad ang 2 higanteng proyektong ito at supilin ang lumalakas na kilusang masa ng Cordillera laban sa diktadurya. April 24, 1980, pinatay ng mga sundalo si Macliing Dulag na lalong nagpainit sa damdamin at nagpalakas sa oposisyon ng mamamayan.

Noong 1981, nabuo ang Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF), isang rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan ng Cordillera na may programang:

·0 Magkaisa sa iba pang Pilipino laban sa imperyalismo,
·1 Depensahan ang lupang ninuno at likas yaman
·2 Labanan ang pambansang pang-aapi
·3 Kumilos para sa pambansang kalayaan at demokrasya

Ang militante at sama-samang pagkilos ng mamamayan laban sa Chico dam, Cellophil at ang kasabay nitong pasismo ng militar ang siyang nagsindi ng malawakang kilusang masa ng pambansang minorya sa buong rehiyon ng Cordillera. Mula kanayunan hanggang sa kalunsuran, nabuo ang maraming organization at nailunsad ang maraming kilos-protesta sa buong rehiyon.

Noong 1984, nabuo ang Cordillera Peoples Alliance, bilang nagtatahing panrehiyong alyansa ng mga demokratikong uri at sektor sa rehyon na lumalaban para sa pagtatanggol ng lupang ninuno at sariling pagpapasya. Ngayon, ang CPA ang pinakamalawak na pederasyon ng mamamayan sa Cordillera na binubuo ng halos 300 na mga organisasyon ng mga katutubo, komunidad, magsasaka, manggagawa, maralitang lungsod, kabataan, kababaihan, propesyonal, taong simbahan, cultural workers, human rights defenders, elders at iba pa. Agbiag ti CPA!

Simula noong early 1980s, mabilis na sumiklab ang iba’t ibang mga pagkilos sa maraming bahagi ng rehiyon:

1. Ang kampanya para sa pagdepensa ng lupang ninuno. Malawakang ikinampanya ng CPA ang pagdepense sa lupang ninuno mula sa banta ng development aggression at mga batas na di kumikilala sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupa.

2. Ang kampanya para sa karapatang pantao at laban sa militarisasyon. Sumunod ang kampanyang nanawagan para sa pagpanaw ng mga militar sa mga komunidad at paghingi ng hustisya para sa mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao.

3. Ang kampanya para sa tunay na panrehiyong awtonomiya. Sa kalagitnaan ng 1980s, inilunsad ng CPA ang kampanya para sa “Regionalization and Beyond” upang pagsamahin ang mga probinsya ng Cordillera sa iisang rehiyon. Nagsagawa rin kami ng malawakang kampanyang edukasyon at propaganda tungkol sa tunay na panrehiyong awtonomiya at pagbasura/rejection ng organic act para sa bogus na autonomiya.

4. Ang kampanya laban sa commercialization ng kultura. Mariing iprinotesta at napatigil ng mga katutubong kabataan sa Baguio ang Grand Cañao bilang pambabastos sa katutubong kultura upang pagganansyahan ng turismo. Sa halip ay isinulong nila ang makabayan, pangmasa at progresibong kultura ng mga katutubong mamamayan.

5. Ang kampanya laban sa mapanira at dayuhang pagmimina. Mahigit isang siglo na ang pagdarambong ng mga malalaking imperyalistang korporasyon ng minahan sa mineral na yaman ng Cordillera tulad ng ginto, pilak at gambang. Naging tuloy-tuloy din ang paglunsad ng CPA ng malawakang kampanya laban sa mapanirang pagmimina.

(1980s -Batungbuhay mines, 1990s – anti-open pit mining ng Benguet Corporation sa Itogon, Benguet, 2000s – anti-Lepanto expansion, Save the Abra River movement, Goldfields in Mankayan, Benguet; 2000s- Royalco mines in Bakun, Olympus in Abra, Newmont in Apayao, CEXI in Kalinga; 2012 – Philex mines, TP3 collapse sa Tuba, Benguet.) Sa kasalukuyan, patuloy naming linalabanan ang tangka ng mga dayuhang korporasyon na minahin ang halos 60% ng teritoryo ng rehiyon.

6. Ang kampanya laban sa San Roque dam, Chevron geothermal, Alimit hydropower at iba pang mapanirang proyektong pang-enerhiya

7. Ang kampanya para sa tunay na free prior and informed consent (FPIC) at laban sa inutil at mapanlinlang na NCIP at IPRA.

8. Mga sektoral na pagkilos ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan at estudyante, kababaihan, kawani ng gobyerno, sektor pangkalusugan, media, mga bata at iba pa; at mga local na pakikibaka kaugnay ng mga partikular na isyu sa mga lokalidad.

9. Pagsali sa mga pambansang kampanya at panawagan: ERAP resign, Anti-Pork barrel, Oust Noynoy, Stop the killings, electoral campaign at marami pang iba.

10. Ang taon-taong pagdiriwang ng Cordillera Day bilang konsentradong expression ng pakikibaka ng mamamayang Cordillera. Marami sa mga kasamahan ko mula sa Cordillera na nandirito ngayon ay mga beterano ng maraming laban at pagkilos. Nagsakripisyo at napanday sila sa kilusang masa sa pamamagitan ng simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Kasama rin natin ngayon ang maraming mga bagong kasama at kabataan na namulat at nagpapatuloy sa laban na inumpisahan ng mga nakatatanda. Mula sa mahabang karanasan na ito ng pakikibaka sa Cordillera, marami tayong mapupulot na mga aral na dapat magsilbing gabay sa ating praktika at pagkilos sa mga susunod na panahon.

Mga Aral:

1. Kailangan ng organisado, sama-sama at militanteng pagkilos. Ang tagumpay laban sa Chico at Cellophil, World Bank at diktaduryang Marcos ay isa lamang sa nagpapakita na walang higanteng hindi matutumba bastat tayo ay nagkakaisa at organisadong kumikilos.

2. Pagbubuo ng malinaw na programa upang makamit ang mga layunin. Halimbawa, maaga pa lang ay nailinaw na ang programa para sa tunay na regional autonomy ng Cordillera. Kahit anuman ang inihahain ng estado na pakana o bogus na regional autonomous government o organic act, ay nananatiling matatag ang aming paninindigan sa tamang pampulitikang linya na hindi ito makakamit kung walang tunay na demokrasya sa ating bansa.

3. Pagpapahalaga at pagtangan sa mga katutubong prinsipyo at pagpamamaraan. Napakahalaga ang mga katutubong kaugalian tulad ng damayan at tulungan, pagrespeto sa mga nakatatanda, kolektibong pagdedesisyon at pagpapahalaga sa katutubong kaalaman at prinsipyo. Napakahalaga na matuto tayo sa mga katutubong kaugalian at kaalaman at gamitin ang mga ito para sa interes ng karaamihan. Ilang halimbawa nito ay ating mga pangkulturang palabas, pag-oorganisa ng mga elders/matatanda, pagpapalakas sa mga katutubong institusyon pampulitika tulad ng bodong, atbp.

4. Paggamit ng kumbinasyon ng iba’t ibang porma ng pagkilos. Marami na tayong karanasan sa maraming klase ng stratehiya at aktibidad. Legal, extra-legal, armado. Mga petition, dialogue, referendum, barikada, pagkakaso sa korte, martsa-rali sa kalsada, paglobby sa mga opisina ng gubyerno, mga unity pact, multilateral bodong, mga proyektong pang-sosyo ekonomiko, relief and rehabilitation. Gamitin natin ang lahat nga mga ito na napatunayang epektibo para sa ating mga kampanya at adhikain.

5. Pag-ani ng mga tagumpay mula sa mga kabiguan o pagkatalo. Hindi palagi ay nagtatagumpay tayo. Marami rin tayong mga kabiguan at challenges. Halimbawa, hindi napigilan ang pagtatayo ng San Roque Dam, ngunit ang pakikibaka ng masa kontra dito ay naging daan upang ma-organisa ang mga apektadong komunidad at mapataas ng kanilang pampulitikang kamulatan.

6. Tibayan ang loob sa pagharap ng mga sakripisyo at matitinding paglabag sa karapatang pantao. Daan-daan na ang bilang ng mga martyr at bayani ng pakikibaka sa Cordillera – mga biktima ng extra-judicial killings, enforced disappearance, ilegal na pag-aresto, atbp paglabag. Hindi sasapat ang oras natin ngayon na banggitin ang lahat ng pangalan ng mga nagbuwis ng kanilang buhay para sa kilusan mula pa noong 1970s hanggang sa kasalukuyan. Kailangan nating tibayan ang ating loob at magpatuloy sa puspusang pagkilos sa harap ng ganitong mga pangyayari.

7. Makiisa sa iba pang demokratikong uri at sektor at magbuo ng pandaigdigang kapatiran o international solidarity.

Sa loob ng mahigit 40 taon, hindi po nagtayong mag-isa ang mga katutubo sa aming laban. Kabalikat po namin sa buong panahon ng aming pakikibaka ang mga di-katutubo at demokratikong uri at sektor ng rehiyong Cordillera. Kasama din po namin ang mga kaibigan mula sa iba pang rehiyon ng Pilipinas at mga alyado mula sa ibang bansa. Nabuo ang marami partnerships ng CPA noon pang 80s na nagpapatuloy hanggang ngayon. Patuloy pang dumarami ang ating mga kaibigan sa ilalim ng iba’t ibang pambansa at pandaigdigang pormasyon, tulad ng SANDUGO alyansa na binubuo natin ngayon, at ang Indigenous Peoples Movement for Self-determination and Liberation.

Ang nagbubuklod po sa ating lahat ay ang taimtim nating pagnanasa na kamtin ang isang lipunang kumikilala at isinasabuhay ang tunay na demokrasya, kalayaan at karapatan sa sariling pagpapasya ng mamamayang Pilipino at ng mga Moro at katutubong mamamayan. #

* Hinanda ni Jill K. Cariño, Cordillera Peoples Alliance Vice-Chair for Extrnal Affairs para sa Launching Assembly ng SANDUGO, Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-determination, October 14-15, 2016, UP Diliman Quezon City.nordis.net

Share

Leave a Reply