Magsasaka ng Ilocos, nakiisa sa Lakbayan para sa lupa

Nina RAB HUBBARD at RACEL HORTIZUELA
www.nordis.net

VIGAN CITY — Nakiisa ang mga magsasaka ng Ilocos sa pangunguna ng Solidarity of Peasants against Exploitation (Stop Exploitation) kasama ang Bagong Alyansang Makabayan-Ilocos (Bayan-Ilocos), Ilocos Human Rights Alliance (IHRA), Anakbayan-Ilocos, TIMEK-Pamalakaya at Alyansa Dagiti Mannalon ti Ilocos Norte (Amin) sa taunang Lakbayan ng Magsasaka na ginanap nitong Oktubre 7-8 upang ipanawagan ang mga hiling ng mga magsasaka sa rehiyon.

PAGHAMON. Nagpicket ang mga magsasaka ng Ilokos sa opisina ng Department of Agrarian Reform (DAR) nong Oktubre 7 at nanawagan ng pagpapataas ng presyo ng tabako, libreng irigasyon at pakikiisa nila sa paglaban para sa lupa at kapayapaan. Photo courtesy of Katrina Polintang
PAGHAMON. Nagpicket ang mga magsasaka ng Ilokos sa opisina ng Department of Agrarian Reform (DAR) nong Oktubre 7 at nanawagan ng pagpapataas ng presyo ng tabako, libreng irigasyon at pakikiisa nila sa paglaban para sa lupa at kapayapaan. Photo courtesy of Katrina Polintang

Bitbit ng delegasyon mula sa hanay ng mga magsasaka, kabataang magsasaka at kabataang estudyante ang mga panawagan para sa pagpapataas ng presyo ng tabako, libreng irigasyon at pakikiisa nila sa paglaban para sa lupa at kapayapaan.

“Ipinapanawagan natin na ilaan ang Tabaco Excise Tax sa mas makabuluhang mga proyekto na mapakikinabangan ng ating mga komunidad. Sigaw rin natin na magkaroon ng libreng irigasyon para sa ating mga sakahan,” ani Zaldy Alfiler, pangkalahatang kalihim ng Stop Exploitation.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkampo sa loob ng compound ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City, Maynila. May 18 taon ding ikinandado ang tarangkahan ng DAR para hindi makapasok ang mga nagpoprotestang magsasaka.

Sa unang araw, inilunsad ng iba’t ibang rehiyon ang kanilang mga piket kasabay ng diyalogo ng iba’t ibang lider-magsasaka kasama ang bagong kalihim ng DAR na si Rafael “Ka Paeng” Mariano.

“Panawagan ng mga kabataan, tutulan at ibasura ang mga neo-liberal na mga polisiya’t atake na mas lalong nagpapahirap sa kalagayan ng mga estudyante’t mamamayan, di lang sa Ilocos kundi sa buong bansa,” bahagi ni Renz Kang, tagapagsalita ng Kabataan Partylist Ilocos.

Kinagabihan, nagdaos ng Cultural Night alay sa mga magsasaka. Nagpahayag naman ng pakikiisa si Mocha Uson sa pakikibaka ng mga masang magsasaka. Kasabay nito, naglunsad rin ng isang Boodle Fight sa pangunguna ng mismong kalihim ng DAR kasama ang mga magsasakang nagkampo sa loob ng tanggapan.

Sa ikalawang araw, nagmartsa ang mga magsasaka patungong Mendiola bitbit ang mga sinusuportahang programa ni Duterte at mga kahilingan sa loob ng nakalipas na 100 araw nitong panunungkulan.

Tinalakay ni Paola Espiritu, tagapagsalita ng Bayan-Ilocos, ang RA 7171 na isa sa mga problema ng mga magsasaka sa rehiyon.

“Ang problema po sa excise tax na ito na 11 billion lang naman po yung nakukuha ay hindi napupunta sa mga programa para sa mga magsasaka. Dapat pagsilbihin ang excise tax sa mamamayan,” paliwanag ni Espiritu.

Idinagdag ni Espiritu na sa Ilocos ay nananatiling maliit ang minimum wage na umaabot ng P227 hanggang P253 na hindi nakakasapat sa pangangailangan ng mga mamayan at magsasaka.

“Sa lahat ng kabataan, mag-empake na kayo! Tumungo kayo sa kanayunan dahil yayakapin kayo ng mga magsasaka, ng mga manggagawa, ng mga maralita dahil yon po ang kailangan natin para sa tuluy-tuloy na pagpapakilos at pagpapalakas ng pambansang demokratikong kilusan,” hamon ni Espiritu.

Ang ilang makabayang kongresista na sina Congresswoman Arlene Brosas ng Gabriela Party list, Cong. Sarah Elago ng Kabataan Partylist at Cong. Ariel Casilao kasama si Secretary Rafael V. Mariano ng DAR ay pinuri ang ilan sa mga pahayag ni Pangulong Duterte patungkol sa Independent Foreign Policy, pagpapalaya ng NDFP consultants at pagpapatuloy ng peace talks sa pagitan ng GRP at NDFP.

“Walang magsasaka ang mapapatalsik sa sariling niyang lupa sa loob ng termino ni Ka Paeng! Limitado lamang ang magagawa ng DAR sa aking pamumuno ngunit sa sama-samang pagkilos lamang ng mga magsasaka masusulusyunan ang problema at hinaing ng mamamayang api!” ani ni Mariano. # nordis.net

Share

Leave a Reply