Hamon sa kalidad at libreng edukasyon

Ni CHRISTIAN PATRICIO
www.nordis.net

BAGUIO CITY — Nagsama-sama sa isang focus group discussion (FGD) ang mga estudyante mula sa Pinsao National High School, Pines City National High School, Dominican Mirador National High School at Baguio City National High School (BCNHS) para pag-usapan ang mga problemang kinakaharap ng kanilang eskuwelahan.

Lumabas ang kanilang hinaing patungkol sa dagdag bayarin na “developmental fee” sa kanilang matrikula. Nariyan din ang mas mataas na dagdag bayarin ng mga nasa special programs ng mga eskuwelahan kumpara sa mga estudyante sa mga regular sections. Ang mga kakulangan sa pasilidad, kagamitan at mga guro dahil sa programang K12 ay isa rin sa kanilang mga binanggit.

Sa Pines City National High School, may mga ulat ng underspending ang kanilang administrasyon dahil sa hindi pagmamaksimisa ng kanilang pondo para sa kaayusan ng kanilang eskuwelahan. Sa BCNHS, pinaghahalo muna ang mga section ng mga estudyante (tinatayang 68-70 bilang ng estudyante bawat section) ng Grade 7 sa iisang klasrum dahil hindi pa natatapos ang ginagawang gusali para sana sa kanila. Sa Dominican Mirador National High School, itinigil nila ang pagtanggap ng mga mag-eenrol ng Grade 9 dahil hindi na kakasya sa silid-aralan.

“Isa itong manipestasyon na lumalala ang problema natin sa sistema ng edukasyon sa ating bansa,” sabi ni Ma. Adoren Torio ng Alliance of Concerned Students.

Dagdag niya, “Ang pagsingil ng mga kaduda-duda, paulit-ulit at labis-labis na mga bayarin katulad ng mga ‘developmental fee’ ay hindi lang nagpapahirap sa mga estudyante kung hindi pati sa kanilang mga magulang. Maraming mga estudyante ang napipilitang tumigil na lamang sa pag-aaral dahil dito.”

Sabi naman ni Louise Montenegro ng League of Filipino Students-Metro Baguio na isa ring dagdag-pahirap ang implementasyon ng K12. “Pinapalala lamang nito ang sitwasyon dahil hindi sinusolusyunan ng nakaraang administrasyon ang mga problema tulad ng kakulangan sa guro at pasilidad. Maraming mga pampublikong paaralan, na magbibigay sana ng mas murang edukasyon para sa nakararami, ay itinigil ang kanilang pagtanggap ng mga mag-eenrol. Maraming estudyante tuloy ang naitutulak sa mas mahal na mga pampribadong paaralan,” ‘aniya.

Para tugunan ang ganitong problema, bumuo ng mga resolusyon ang mga estudyante mula sa kanilang FGD. Isa rito ay ang pagmamaksimisa ng social media para iparating sa kanilang mga kapwa mag-aaral ang sitwasyon ng kanilang eskuwelahan. Nagplano ring magkaroon ng mga diyalogo sa pagitan ng mga estudyante, magulang at ng administrasyon ng eskwelahan.

Napagdesisyunan din ang pakikipag-ugnayan sa Rise for Education Alliance para sa isang forum tungkol sa mga isyu ng edukasyon. Sa huli ay pinaplano rin ng mga estudyanteng ito na sumali sa Rise for Education Alliance para bumuo rin ng mga chapter nito sa kanilang eskuwelahan. Ito ay para mabilis ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga eskuwelahan.

Tunay ngang handa na ang mga estudyante para ipaglaban ang kanilang karapatan para sa kalidad at libreng edukasyon.

Ang FGD ay bahagi ng katatapos lamang na Rise for Education Alliance Baguio-Benguet Summit. Dinayo ito ng mga estudyante mula sa iba’t-ibang paaralan sa syudad ng Baguio at sa Benguet. Ilan sa mga ito ay mga high school students mula sa iba’t-ibang pampublikong paaralan sa syudad ng Baguio. # nordis.net

Share

Leave a Reply