Pagdaraos ng sugar workers summit, matagumpay

By CITA MANAGUELOD
www.nordis.net

QUEZON CITY — Matagumpay na nailunsad ang 2nd Sugar Workers Summit noong Agosto 30-31 sa DOLE Occupational Safety and Health Center (OSHC) dito sa Quezon City na nilahukan ng mga manggagawang bukid mula sa mga tubuhan ng Isabela, Batangas, Tarlac, Bukidnon, Davao del Sur at Negros sa pangunguna ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), National Federation of Sugar Workers (NFSW), Alyansa ng mga Manggagawang-Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA) sa Tarlac, KAISAHAN-Batangas, OGYON-Bukidnon, Nagkahiusang Mag-uuma sa Davao del Sur (NAMADDS) at UMA – Isabela.

COLLECTIVE ACTION. Sugarcane farm workers from Luzon, Visayas and Mindanao in Quezon City converged on August 30 to 31  to reiterate their demand for genuine agrarian reform.  Photo courtesy of Danggayan-CV
COLLECTIVE ACTION. Sugarcane farm workers from Luzon, Visayas and Mindanao in Quezon City converged on August 30 to 31 to reiterate their demand for genuine agrarian reform. Photo courtesy of Danggayan-CV

Ayon sa UMA – Isabela, lumalala ang pagsasamantala sa mga manggagawang bukid sa mga tubuhan ng Green Future Innovations – Ecofuel Land Development Inc. Pinagtatanggal ng kumpanya noong Disyembre 2015 ang halos 75% ng mga regular na manggagawa nito na mahigit isang daan na lamang lalo na ang mga farm guards at farm aides.

Hindi nagbigay ng Cash Bonus Fund mula sa Social Amelioration and Welfare Program na halos isang taon lamang naibigay noong 2014. Sa mga farm technicians na nangangasiwa sa halos 150 ektaryang mga tubuhan bawat isa, tinanggalan sila ng gasoline allowance at maintenance fund ng motor.

Kumikita sila ng P295 kada araw pero hindi binabayaran ang halos 4-5 oras na overtime lalo na sa mga driver. Wala ng mga manggagawang bukid na direktang ineempleyo ng kumpanya na nangako noong umpisa na magbibigay ng 15,500 na trabaho sa buong taon. Umatras na rin sa proyekto ang mother company nitong Itochu na may malaking puhunan rito.

Pinakamalala ang kalagayan ng mga manggagawang bukid sa plantasyon ng tubo. Sa pakyawang sahod-alipin ay P120 na lamang kada araw ang kabayaran sa pagdadamo, paglalagay ng abono, pag-iispray at pagpapalit ng mga namatay na cane points, P170 sa pagtatanim at P247 sa pagtatabas- pagkakarga.

Nabibinbin ngayon ang pagbibigay ng sahod ng hanggang tatlong buwan. Mula ala-una ng madaling araw ay sinusundo na sila sa kani-kanilang mga baryo, ibabyahe patungong mga tubuhan at madaling araw magsisimula ng trabaho sa tubuhan hanggang kainitan ng alas-dos ng hapon. Hindi rin nagbibigay ng maayos na tulugan o silungan lalo na kapag umuulan. Ito ang dahilan kaya nasagasaan at namatay sa nakaraang taon ang isang babaeng sacada na nakisilong at natulog sa ilalim ng truck. Wala rin ang mga dating ipinangakong rice allowance at malinis na maiinom na tubig. Kahit sa kalakasan ng bagyo ay pinagtatrabaho ang mga manggagawang bukid na nagpa-rescue na noong Bagyong Nona.

Sa mga manggagawang bukid, walang regular na trabaho, walang kontrata kahit anim na buwan o project basis. Arawan na ang usapan, kinakausap ng kumpanya ang kanilang team leaders at cabecilla para sa trabaho sa araw na iyon, walang katiyakan kung may trabaho sa susunod na araw.

Ang mga nagtatabas – karga ay karamihan mga dayo na mula Cagayan de Oro atbp. lugar.

Sa nakaraang taon na nagsara ang planta ay walang trabaho at kita mula Hulyo hanggang Oktubre at maraming ayaw nang bumalik sa trabaho maliban noong nangako ang kumpanya na gagawing arawang minimum wage at hindi pakyawan ang sahod. Pero ngayong taong 2016 ay ibinalik sa pakyawan lahat ng sistema ng pasahod. Patuloy pa rin ang pagpapalawak ng mga plantasyon ng tubo lalo na sa Echague at ibang mga bayan sa labas ng San Mariano, Isabela

Nagsimula ang contract growing na iba pa sa dating land lease. Sa contract growing, imbis na upahan ng kumpanya ang lupa, magpapautang ng gastusin sa pagsasaka ang kumpanya at ang contract grower ang kakausap sa cabecilla o direktang kukuha ng mga manggagawang bukid.

Naigiit na itaas sa P200 sa anumang gawain kada araw ang ipapasahod ng contract growers sa kukunin nilang mga cabecilla maliban sa pagtatabas-karga na naitaas na sa P350/tonelada. Nananatiling napakababa at hindi man lamang umaabot sa regional agricultural minimum wage na P280 kada araw ang karaniwang sahod.

Ang Social Amelioration and Welfare Fund na 19 sentimo kada litro ng malilikhang ethanol na umaabot na sa milyong halaga ay patuloy na iligal na ipinagkakait sa mga regular at seasonal na mga manggagawang agrikultural sa planta at tubuhan na nakararanas ngayon ng papatinding gutom at kahirapan.

Ang anti-manggagawang kontraktwalisasyon at pagkapako ng pasahod sa Regional Wage Boards ay nagsisilbi sa mga kumpanya at plantasyon ng bioethanol. Sa Biofuels Act of 2006 ay lubusang binibigyang proteksyon at mga insentibo ang mga kumpanya ng bioethanol pero hindi napangangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawang agrikultural sa planta at plantasyon.

Sa Sugar Industry Development Act naman ay puro kapakanan rin ng mga malalaking planter at millers ang tinutugunan. Kayat ang sistemang pakyaw ay pinasok na ng DOLE sa regional wage rates ng Batangas at Negros. 

Plano ng Sugar Regulatory Administration ang pagpapalawak pa ng mga tubuhan at pagtatayo ng sugar block farms kung saan pagdudugtung-dugtungin ang mga malilit na tubuhan para sa pakinabang ng mas malalaking plantasyon at magtransporma ng mga tubuhan mula sa produksyon ng asukal tungong bioethanol.

Tinukoy naman sa JAO No. 1 Series of 2008 ang mga lugar na pagpapalawakan ng mga tubuhan para sa bioethanol bilang prioridad para sa land conversion. Ang resulta nito ay ang rekonsentrasyon ng mga lupang tubuhan sa kamay ng malalaking panginoong maylupa at korporasyon dahil sa ngayon ay hawak na ng mga financier at contract grower ang karamihan sa mas maliit na sakahan.

 Iginigiit ng mga manggagawang bukid sa tubuhan at planta ng biothanol sa Isabela na tugunan ng bagong administrasyong Duterte ang mga kahilingan para sa tunay na reporma sa lupa upang maipagkaloob sa mga manggagawang bukid ang libreng lupa at sapat na serbisyo upang pagyamanin ang lupa at sa kagyat, ang nakabubuhay na pasahod, benepisyo at kaseguruhan sa trabaho na ipinagkakait ng mga neoliberal na polisiya sa ating bansa.

Kaisa ang mga manggagawang bukid sa Sugar Summit sa kampanya para sa National Minimum Wage na P750 kada araw para sa mga manggagawa sa pribadong sector kabilang ang mga manggagawang agrikultural sa ilohan, planta at tubuhan.

Gayundin, ay nanawagan ang mga lumahok sa Sugar Summit para sa pambansang industriyalisasyon na siyang lulutas sa krisis at dayuhang pandarambong na patuloy na sumasakal sa ating industriya ng asukal at enerhiya. # nordis.net

Share

Leave a Reply