Education caucus matagumpay na nailunsad sa Ilocos

Ni LEA GRACE ALFILER
www.nordis.net

VIGAN CITY — Nagsama-sama ang iba’t ibang sektor ng edukasyon kabilang na ang mga magulang ng mga estudyante upang pag-usapan ang mga kinakaharap na mga problema at mga kinakailangang hakbang sa usapin ng edukasyon.

QUALITY AND ACCESSIBLE EDUCATION. Delegates of Education Caucus of Ilocos Region raise their fists as they unite for their calls for a better education program under the Duterte administration. Photo by Nino Oconer
QUALITY AND ACCESSIBLE EDUCATION. Delegates of Education Caucus of Ilocos Region raise their fists as they unite for their calls for a better education program under the Duterte administration. Photo by Nino Oconer

Pinangunahan ng Kabataan Partylist at ng Alliance of Concerned Teachers ng Ilocos ang paglunsad ng regional caucus.

Ang kauna-unahang Education Caucus ng rehiyon ay naganap sa Philippine Independent Church sa Dagupan City, Pangasinan noong ika-24 ng Hunyo 2016 na pinamagatang “Education in the Ilocos Region: Challenges and Opportunities.”

Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng mahigit 40 na katao na binuo ng mga magulang, mga guro, at mga estudyante na nagmula sa iba’t ibang paaralan at komunidad ng rehiyon ng Ilocos. Kabilang sa mga delegado ay galing sa University of Northern Philippines, Mariano Marcos State University, Don Eulogio De Guzman Memorial National High School ng Bauang, La Union, Damortis National High School, President Elpidio Quirino National High School ng Agoo La Union, at ilang pang ibang mga paaralan.

Naging tampok sa naturang aktibidad ang pagkakaroon ng forum na kung saan ang unang tinalakay ay pinangalanang “Dissecting the Roadmap for Higher Education Reform (RPHER)”, na ang naging resource speaker ay ang regional coordinator ng Kabataan Partylist Ilocos na si Florence Kang. Tinalakay ni Kang dito ang mga maaaring mangyari kung sakaling maipapatupad ang tinatawag na amalgamation ng mga State Universities and Colleges (SUCs) ng Region 1.

Kabilang na rin sa tinalakay ang pangkalahatang epekto ng programa ng Roadmap to Philippine Education Reform na may diin sa mga problemang dala nito sa mga estudyante at mga kawani ng mga SUCs. Sinundan ito ng forum na “Education in Post-Aquino Administration: Challenges and Opportunities” na tinalakay ni John Paul Andaquig ng Ibon Foundation. Primaryang tinalakay dito ang usapin at mga epekto ng programang K12 kabilang na ang mga balak gawin ng incoming Deped Secretary Leonor Briones sa ilalim ng Duterte administration para sa sektor ng edukasyon.

Sa pagtatapos ng forum sa pamamagitan ng caucus, naipahayag ng mga delegado ng programa ang mga kinakaharap na mga problema sa implementasyon ng programang K12. Nailabas din ng mga delegado ang kanilang mga adhikain tungkol sa RPHER, academic freedom, democratic rights, unyunismo, ang mababang pasahod sa mga guro at kawani ng mga paaralan, at ang pagtatanggal sa kontraktuwalisayon.

Nabuo ang resolusyon at mga panawagan tulad na lang pagpapatigil sa implementasyon ng programang K12 sa pamamagitan ng signature campaign at pagsasagawa pa ng mga forum, at pagsuri at pagpapanagot sa nangyayaring mga hindi makatuwirang pagtaas at paniningil ng mga bayarin ng mga estudyante. Sa panig ng mga guro at kawani ay nananawagan sila ng pagtataas ng sahod sa P25,000 across the board samantalang P16,000 para sa empleyado ng gobyerno. Ipinapabasura rin ang kontraktuwalisayon kasabay ng panawagan sa pagpapalakas ng mga unyon sa loob ng akademya.

Sa kabuuan, ang naturang aktibidad ay nagawa ng matagumpay at nagsagawa ng pagpirma para ipakita ang pagkakaisa sa nabuong mga panawagan. Ang resulta ng caucus ay ipapaabot sa paparating na mga kinatawan ng Kabataan Partylist, Act Teachers Partylist, Deped Secretary, at Pangulong Duterte upang makatulong sa paggawa ng mga batas at aksyon para maibsan ang mga problemang kinakaharap ng bansa sa usapin ng edukasyon.

Nagkaisang buuin ang Rise for Education bilang alyansa ng mga guro, estudyante, mga kawani, at mga magulang upang palakasin ang pagkakaisa at pagpapalawak para sa adbokasiyang paunlarin ang kasalukuyang kalagayan ng edukasyon sa rehiyon at bansa. # nordis.net

Share

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.