Statements: Sigaw ng mga bilanggong pulitikal, paigtingin ang laban hanggang sa kalayaan

Ng KARAPATAN — CAGAYAN VALLEY
www.nordis.net

Ika-3 Disyembre 2015

“Sapagkat katawan man nami’y ipiniit, ang aming paninindiga’y hindi kailanman mawawaglit! Kasama ng malawak na masang inaalipusta at inaalipin, patuloy ang aming paglaban hindi lamang para sa pagpapalaya ng aming mga sarili, kundi upang tuluyang mapalaya ang sambayanan.”

Ito ang nagkakaisang pahayag ng mga bilanggong pulitikal ng Lambak Cagayan sa Pandaigdigang Araw ng Pagkakaisa para sa mga Bilanggong Pulitikal. Sa kasalukuyan, may sampung organisador, lider at miyembro ng mga progresibong organisasyon ang nakakulong sa iba’t-ibang piitan sa loob at labas ng rehiyon dahil sa mga gawa-gawang kasong kriminal na isinampa laban sa kanila. Desperadong mga hakbang ito upang patahimikin, takutin o pigilan sila sa aktibong paglahok sa iba’t-ibang kampanyang masa para sa karapatan sa lupa,buhay at serbisyong panlipunan.

Si Divina Erece, organisador ng Amihan (Peasant Women Organization), matapos mabasura ang mga kasong 4 counts of Frustrated Murder, 5 counts of Murder at Rebellion sa RTC Tuao noong Nobyembre 20, 2015 ay nakahanda na sanang umuwi at nasa tarangkahan na ng BJMP Tuguegarao, nang muling siyang dinakip sa panibagong gawa-gawang kasong 2 counts of Attempted Murder at 1 count of Murder na isinampa naman sa RTC Aparri. Hindi pa tapos ang kaniyang pagtitiis sa piitan na umabot sa 4 na taon at 6 na buwan sa BJMP Tuguegarao, muli siyang nakapiit ngayon sa BJMP Aparri. Ang kanyang kaso, katulad ng iba pang bilanggong pulitikal na muling sinasampahan ng panibagong kasong mahahagilap kapag malapit nang matapos ang kasong kinakaharap ay malinaw na larawan ng pambabalasubas sa batas. Unti-unti at paisa-isang inilalabas ang mga warrant of arrest upang mapatagal pa ang kanilang pagkakapiit at paghihirap.

Bilang pagsunod naman sa kampanya ng Rehimeng Aquino na durugin ang mga katutubong nagtatanggol sa kanilang lupang ansestral, katulad ng karanasan ng mga Lumad sa Mindanao ay samu’t saring pandarahas din ang ipinapataw sa ating mga katutubong Aggay at Malaueg sa Zinundungan Valley, kabilang na ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa mga miyembro nito. Ang mga Aggay na sina Mendo Bisiotan at Marlon Baganay ay nakapiit sa Cagayan Provincial Jail at sa PNP Rizal naman si Lenor Danao. Si Orlando Duruin na isang senior citizen na nakipamuhay sa komunidad ng mga Aggay ay nakakulong naman sa BJMP Tuao. Bagamat hindi nagmamay-ari at humawak ng mga armas at anumang uri ng pampasabog, silang apat ay kinasuhan ng kasong Illegal Possession of Firearms and Explosives.

Sa Nueva Viscaya, nakapiit sa PNP Solano ang mga miyembro ng TMIQ (Timpuyog dagiti Mannalon iti Quirino) na sina Michael Gatchalian, Romar Busania at Francis Esponilla. Bagamat walang mga dalang armas at nakasakay sa motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng Maharlika Highway sa Diadi, Nueva Viscaya noong May 19, 2015, sila ay sinampahan ng Illegal Possession of Firearms and Explosives.

Sa BJMP Kiangan, Ifugao naman ipiniit sina Rene Boy Abiva ng ACT (Alliance of Concerned Teachers) at Virgilio Corpuz ng Piston Partylist. Bagamat si Abiva ay may DTR (Daily Time Record) na siya ay nasa kanyang trabaho sa DSWD-02 noong maganap ang ambush ng mga kasapi ng NPA sa mga kasundaluhan sa Tinoc, Ifugao at ang pangalan naman ni Corpuz ay hindi kasama sa mga naunang itinuturong may kagagawan, silang dalawa ay sinampahan ng kasong 12 counts of murder sa RTC Lagawe.

Isang malaking pambabalasubas ang paggamit ng rehimeng Noynoy Aquino sa mga batas, korte at piitan laban sa mga naglalabas ng katotohanan sa mga kontra-mamamayan nitong mga polisiya. Nagdudumilat ang katotohanan na sadyang mailap at wala sa panig ng mahihirap ang hustisya at bagkus, mas nabibili ng may salapi at nasa kapangyarihan. Patuloy din na gagamitin ng AFP at PNP ang pagbaluktot sa batas upang magsampa ng mga kasong kriminal sa mga organisador, kasapi at lider ng mga progresibong organisasyon at maging ng mga simpleng mamamayan. Ang pagdawit sa 76 indibidwal kabilang ang 18 kataong nagmula sa ibat-ibang progresibong organisasyon sa Cagayan Valley (CV) tulad ng Karapatan-Cagayan Valley, Makabayan-CV, National Union of Students of the Philippines-CV, Rural Missionaries of the Philippines-CV, PISTON Partylist-CV at Anakpawis-CV ng 3 counts of kidnapping with homicide ay isang patunay na hindi natatapos at patuloy sa pag-igting ang panggigipit sa hanay ng mga makabayang mamamayan.

Subalit, kasaysayan na rin ang nagtuturo sa atin na ang pag-igting ng karahasan ng estado ay katumbas ng pagiging desperado ng namumuno upang manatili sa kanyang trono; samantalang ang sambayanang patuloy na dinarahas at bumabalikat sa araw-araw na hirap ay ibayong magpupumiglas at aalpas.

Paigtingin natin ang sama-samang pagkilos upang mapalaya ang mga bilanggong pulitikal at palakasin ang ating hanay hanggang ang tunay na kalayaan, karapatan at kapayapaan ay makamtan ng lahat.

Palayain ang mga bilanggong pulitikal!
Labananan ang pampulitikang panunupil! # nordis.net

Share

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.