Pagtingin at pagtanaw sa pampanitikang produksyon sa Baguio

Ni JANINE DIMARANAN
www.nordis.net

May mga librong halos walang kuwenta pagkat sa wika ni Jess Santiago, ay pumpon lamang ng mga salitang mas mainam pa ang isang taling kangkong; mas mabuti pa ang isang bungkos ng talbos ng kamote pagkat walang kasusta-sustansiya. Walang kuwenta dahil pamilihan ang nagdidikta ng halaga imbis na tao. Walang kuwenta pagkat walang naitutulong sa kaapihan ng nakararami.

Sa kapitalistang sistema, ang mga libro ay madali lamang maging komoditi ng komersyo upang pagkunan ng labis na halagang nagpapayaman sa mga malalaking negosyanteng nagmomonopolyo ng kaalaman at ng pamantayan ng kagandahan. Ngunit sa galak ng aking puso, hindi ito ganap na namamayani sa aming syudad. Buhay sa pag-aararo ng lupang tinataniman ng binhi ng kahulugan, at hindi ng salapi, ang mga manunulat sa aming komunidad. At nitong nakaraang linggo’y naging saksi ang marami sa pag-aani ng mga bunga nito—inilunsad ang mga librong Indigenous Earth Wisdom nina Judy Carino-Fangloy, Merci Dulawan, Vicky Macay, Maria Elena Regpala at Lucia Ruiz; at ang librong More Than a Red Warrior, Arnold Borja Jaramillo: Beloved Son of Abra na in-edit naman ni Luchie Maranan—dalawang libro mula sa rehiyong malusog sa kuwento’t katuturan.

Hinggil sa kamalayang katutubo

Sa lunsad-aklat noong Oktubre 9, 2015, namangha ako kung paano halimbawa, ipinaliwanag ni Carino-Fangloy ang framework ng kanilang librong Indigenous Earth Wisdom na bunga ng matagal nang pananaliksik ng kanilang grupo sa mga komunidad ng Kordilyera. Sa pakikipagtulungan ng Maryknoll Ecological Sanctuary, naisakatuparan ang pagkalap ng mga kuwento’t panayam mula sa mga elders ng iba’t ibang nayon na sila ring primaryang pinagkunan ng struktural na lapit ng pag-aaral. Nagustuhan ko ito pagkat hindi sila pumulot ng kung anong banyaga o teoryang taas-ilong upang ilapat sa kanilang mga datos, bagkus, ang kanilang teoryang ginamit ay mula mismo sa mga katutubong kanilang kinapanayam. Ang pag-unlad ng teorya ay inugat sa praktikal na aplikasyon ng mga komunidad at hindi sa kabaliktaran, na madalas nangyayari sa mga akademikong pagsusuri ng katutubong kultura.

Ang lapit ng pananaliksik ayon kay Carino-Fangloy ay nakasalalay sa tatlong bagay: ang dimensiyong di-nakikita, ang tao at kaniyang komunidad, at ang lupa, kapaligiran at likas na yaman. Ang dimensiyong di-nakikita o kung tawagin ay “unseen” ay mararamdaman sa mga bagay, tao, ilog, ninuno, bato, puno, batis, atbp. Ganito naiintindihan ng mga Igorot ang disenyo ng kanilang pag-iral, batay sa espirito ng mga bagay na nagsasalpok sa uniberso na siyang nagpapanday ng kanilang kolektibong espirituwalidad. Ang espirituwalidad ayon sa katutubong pananaw, ay ang kuneksyon ng dalawang espirito.

Tampok sa pananaliksik nina Carino-Fangloy ang kuneksyon ng tao sa lupa bilang pinagkukunan ng kabuhayan at lakas sa iba’t ibang antas. Sa aking interpretasyon, ang espirito ng tao ay araw-araw nakikipagbuno sa espirito ng lupa sa tuwing binubungkal niya ito, tinataniman, dinidilig at inaani. Dahil sa ganito kalalim na kuneksyon, ang pagpapahalaga sa lupa at kalikasan ay pagpapahalaga na rin sa sarili, sa mga anak at ka-anak, at sa sangkatauhan sa kalakhan, pagkat ang pag-aalaga ng lupa at ng kapaligiran ang bubuhay sa mga susunod pang henerasyon sa materyal at espirituwal na mga antas.

Sa napakaraming isyung may kinalaman sa lupa na kinakaharap ng mga katutubo, gaya na lamang ng agresibong pag-agaw sa kanilang mga lupang ninuno upang gawing minahan o dam ng malalaking banyagang korporasyon, umusling bahagya sa diskusyon ang panganagilangang ipagtanggol at ipaglaban ang kanilang mga lupa para sa kanilang identidad. Gaya ng kinakaharap ng mga komunidad sa Benguet, Kalinga at Ifugao na marahas na pagkalinsad sa kanilang mga teritoryo, nahihirapan din ang mga komunidad na isalin ang kanilang mga katutubong kaalaman at paniniwala sa mga mas batang miyembro ng ili dahil sa ganitong panggigipit. Dahil kapos din ang tulong ng gubyerno sa mga katutubo, hindi lamang sa pagkilala sa katutubong kultura’t kamalayan, kundi pati na rin sa implementasyon ng mga polisiyang maka-katutubo, ay lalong nagiging mabuway ang katutubong pundasyon sa rehiyon. Ang masama pa, ang mga pulitikong tumatakbo sa mga posisyong may kakayahan sanang baguhin ang estado ng kanilang mga kakailian ay wala namang pakialam at puro satsat lamang sa panahon ng eleksyon. Naresolba ang usapan sa lunsad-aklat na wala naman talagang ahensya ng gubyerno o pulitikong maka-katutubo.

May gintong tanong si Padma Perez ng Mt. Cloud Bookshop (kung saan ginanap ang lunsad-aklat) sa lahat ng mga naroon noon sa lunsaran. Tanong niya: “Are we born indigenous or can we become indigenous?” na agad namang tinugunan ni Vicky Macay, isang Ibaloy elder na isa rin sa mga nagdisenyo ng pananaliksik at kinapanayam para sa mga kuwento’t datos. Ayon kay Macay, hindi tayo maaaring maging katutubo pagkat kailangang ipanganak tayong katutubo. Pinalawig pa niya ang usapin ng kasal at pagpapamilya batay sa identidad ng mga katutubo at sa malayang pagpili ng asawa sakaling hindi siya katutubo. Sinagot naman ni Maria Elena Regpala, isa rin sa mga mananaliksik, ang tanong ni Perez at sinabing maaaring maging katutubo kung malay kang pipili at magpapalalim sa pamumuhay ng mga katutubo. Samakatuwid, basta tinatanggap ng isang tao ang kaniyang kuneksyon sa lupa at mayroon siyang kasanayan at paniniwala sa katutubong kaalaman, ay maari siyang maging katutubo. Dagdag pa niya: “I am not an IP, but I am indigenous by consciousness, I am indigenous by the land.”

Ang pagpili ng pagiging katutubo

Inilunsad naman kinabukasan, Oktubre 10, 2015 sa bulwagang Juan Luna ng UP Baguio, ang libro ni Arnold “Ka Mando” Jaramillo upang gunitain, pagpugayan at ipagpatuloy ang kaniyang mga nasimulan bilang isang rebolusyunaryong kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ang titulo ng kaniyang libro ay More Than a Red Warrior, Arnold Borja Jaramillo: Beloved Son of Abra.

Si Ka Mando ay isang martir na walang habas na pinaslang ng mga militar noong Setyembre 4, 2014 sa Lacub, Abra. Nahuling buhay si Ka Mando ng mga kaaway kasama ng anim pang pulang mandirigma, ngunit lumabas sa kaniyang otopsiya na tinorture muna siya bago tuluyang inutas ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Maraming sugat, pasa at marka ng bala ang kaniyang katawan kung saan ang armas ay ipinutok ng malapitan kaya nalansag ang ilang bahagi ng kaniyang katawan at mukha. Igpaw sa lantay na paglabag ng AFP sa mga batas ng digmang sibil ayon sa Geneva Conventions na nakasaad sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan kapuwa ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front (NDF), ay buong tibay ng dibdib na hinarap ng kaniyang asawang si Cynthia Dacanay Jaramillo ang mga rekisitos ng pagpapanawagan at paghahanap ng hustisya para sa kaniyang katuwang; alinsabay sa pagpapanawagan din niya ng tunay na kapayapaan at demokrasya para sa ating bansa. Katunayan ng kasigasigan ni Cynthia Jaramillo ang paglulunsad ng librong ito; pati ng kanilang mga anak at ng mga kasamahan ni AJ sa pakikibaka.

Sa introduskyon ni Maranan, mahusay niyang isinalansan ang mga dahilan kung bakit si Ka Mando ay hindi lamang isang pulang mandirigma. Ang siyang pinakatumimo sa akin, ay ang ika-siyam na chapter kung saan binuhay ng panulat ng kaniyang mga kasama’t masang inorganisa ang pagtaguri sa kaniya bilang ama ng mga taga-Abra at anak ng mga masang Tinguian. Kita sa panayam sa mga Tinguian, kapuwa matatanda at mga bata, kung gaano kalapit ang puso nila kay Ka Mando at kung paano nila inuulit ang kaniyang mga kuwento upang ito’y tumatak at umugong sa kabundukan ng Kordilyera. Kung nakapagsasalita ang mga ilog at batis, marahil ay ibinubulong rin nila ang ngalan at mga aral ni Ka Mando sa sinumang maghilamos, maghugas ng kamay o tumawid sa kanila.

Bukod sa sagot ni Regpala sa tanong ni Perez sa pagpili ng pagiging katutubo at sa pagkakaroon ng malalim na kamalayang-lupa, ibang antas ng pagiging katutubo ang dinanas ni Ka Mando. Bukod sa pinili niyang mamuhay kasama ng mga katutubo, sadyang mga katutubo na rin ang pumili sa kaniya upang kanilang maging ka-anak. Sa akin, higit na dalisay at dakila ang ganitong landas ng pagka-katutubo, kung saan ang komunidad mismo ang nais yumakap sa iyong buhay bilang kabahagi nila.

Higit na mahalaga’t masustansiya ang mga salita ni Reese, sampung taong gulang, kapamilya ni Ka Mando. “Tito AJ is like [this] tree, which symbolizes hope for the people of Abra. It took roots in that land and instilled hope in the people. Though he is gone and so with the tree, the firefly in the forest of Abra will make sure that his presence will always be felt…. And when the time is ripe, new trees will sprout and continue to give hope to the beloved people of Abra.” Tama si Reese sa ilustrasyon niya ng kamalayang-lupa: binhi ng kilusan ang mga aral na itinanim ni Ka Mando at tutubo ang mga ito sa lupain ng mga katutubong lumalaban kasama ng Bagong Hukbong Bayan.

Ang panitikang rehiyong di hambog: Mga librong nakatungtong sa lupa

Hindi pantay ang pag-unlad ng lungsod at nayon dahil hindi pa rin ipinamimigay sa mga magsasaka ang mga lupa sa kanayunan, kung kaya ang lipad ng mga tao ay palaging tungo sa mga siyudad at mga sentro ng komersyo upang doon maghanap ng trabaho. Sa ganitong dahilan, nauubos ang mga susunod na lider ng mga katutubong komunidad. Naaagnas ang katutubong politikal na struktura, pati ang kultura, dahil sa migration. Ito rin ang nagbubunsod ng di pantay na produksyon ng mga libro sa Pilipinas.

Kung ipatupad na marahil ang pambansang industriyalisasyon at tunay na agraryong reporma ay hindi na magkakaroon ng malaking agwat sa bilang ng populasyon ng mga nasa syudad at nayon.

Magkakaroon na ng lupang sasakahin ang mga nasa kanayunan kaya hindi na nila kailangang maghanap ng trabaho sa mga syudad na malayo sa kanilang baryo. Kung magiging mabusisi ang pagpa-plano sa produksyon ng mga rehiyon, kung magpapantay at sasapat ang mga produkto ng Pilipinas para sa sarili, magpapantay din, at lalago pa nga marahil, ang produskyon ng libro mula sa iba’t ibang kapuluan ng Pilipinas.

Sa panahong ang mga sangay ng gubyerno’y abala sa kani-kanilang proyekto ng “desentralisasyon” sa panitikan, sa pagbibigay ng tuon at pondo sa panitikang rehiyon bilang mga token ng di pa rin pantay na pag-unlad ng mga lungsod at nayon, iniluwal sa Baguio ang dalawang librong nagsasarili sa produksyon. Walang malalaking pahayag na para sa ikauunlad ng panitkang rehiyon ang mga librong ito, ganoon lamang talaga. Inilimbag ito sa Kordilyera ng mga taga-Kordilyera na may nilalamang mahalaga sa mga taga-Kordilyera. Kaya ito nakatutulong sa pagpapalakas ng panitikang rehiyon ay dahil pinalalakas nito ang mga tao sa rehiyon.

Hindi inilathala ang mga librong ito upang bigyang ng espesyal na kinang ang husay ng panitikang rehiyon, bagkus, ay umaayon lamang ang kanilang produksyon sa mga kontradiksyon ng lipunang kinabibilangan. Samakatuwid, nakatungtong sa lupa ang mga librong ito. Libro sila ng mga may kamalayang-lupa, libro sila ng mga katutubo.

At sa mga ganitong panitikang rehiyon ako sadyang nananampalataya—ang panitikang hindi ginawa para sa sarili ng panitikan, kundi panitikang hinulma at hiningi ng kasaysayan.

Ang mga ganitong panitikan ang uri ng panitikang tunay na naggigiit ng kanilang identidad at kalayaan. # nordis.net

Share

Leave a Reply