Youth Speak: Makapaglilingkod ka na ba sa mga kababayan mo?

By JADE A. MALICDAN

Sa tuwing nagkukumpul-kumpol kaming magkakaibigan at magkakamag-aaral, hindi maiiwasang pag-usapan ang mga career perspective, sa madaling sabi, prospek na trabaho sa loob at labas ng bansa. At kadalasan dito, prospek na pag-a-abroad ang nagiging paksa sa mga kuwentuhang ito.

Sa unang tingin

Estados Unidos, Canada, Britanya, Australia, Middle East, at iba pa ang mga bansang ninanais marating. Sa lahat ng kuwentong ito, halos magkakapareho ang dahilan: dahil mas nababayaran daw nang sapat ang trabaho roon, maliban sa mas magaan, at mas madaling makabawi sa gastos sa eskwela.

Ang ilan ay gustong sumunod sa mga kamag-anak, samantalang ang iba naman ay may sponsorship. Di maitatatwa na ang karamihan ay mangingibang-bansa para makipagsapalaran.

Hindi natin maitatanggi na marami sa ating mga kababayang nars at doktor ang nag-aasam na makapagtrabaho sa ibang bansa kapalit nang mas mataas na sahod at mga prebilehiyo. Ngunit mas lalo nating hindi maitatanggi na ito ay dahil sa patuloy na kakulangan ng trabaho at ng umiiral na sistema sa ating pamahalaan.

Minsan, natanong ako ng aking ina. “May balak ka bang manilbihan sa ibang bansa?” Di ko alam, ang aking isasagot.

Kung ating kukwentahin ang mga gastos sa pagkuha ng medisina at narsing, ito ay umaabot ng mahigit-kumulang kalahating milyon hanggang dalawang milyon para sa mga bayarin sa twisyon at matrikula. Di pa kasama rito ang mga libro, uniporme, alawans, upa, pagkain, at marami pang iba. Sa laki ng gastos sa mga kursong ito ay kailangan mo ring humanap ng paraan upang makabawi.

Pagkaraan ng ilang taong pag-aaral, subukan mong magboluntaryo ng ilang buwan o taon at magbayad sa institusyon na iyong pinapasukan imbes na ikaw ang siyang susuwelduhan. Ito ang hindi ko maintindihan samantalang ikaw ang nagbibigay ng serbisyo sa kanilang institusyon.

Masuwerte ka kung makakahanap ka agad ng trabaho at sasahod ng hanggang 10 libong piso o higit pa kada buwan. Sa patuloy na pagtaas ng halaga ng pamumuhay, kasama na rito ang walang pakundangang pagtaas ng mga bilihin, kasya pa ba ang sweldo mo para maabot ang pangarap na maiahon ang iyong buhay at pamilya sa kahirapan?

Sa kalagayan ng mga doktor at nars

Sa panahon na ang mga doktor ay kumukuha ng narsing, ang mga nars naman ay nagsisipag-abroad at ang mga midwives ay pumapasok na caregivers sa ibang bansa, sino ang maiiwan at mangangalaga sa kalusugan ng naghihikahos na si Juan dela Cruz? Sa ganitong kalagayan, Gaganda pa ba ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan ng ating bayan?

Isa sa mga idinadaing ng mga manggagawa sa kalusugan ay ang kakulangan ng trabaho at di sapat na suweldo. Mahirap maghanap ng trabaho rito sa bansa. Sa ganitong kalagayan, ang pagtrabaho sa ibang bansa ang inaasahan upang makaahon sa kahirapan.

Ayun sa surbey, ang Pilipinas ang nangunguna na taga-export ng mga nars, at isa sa mga exporter ng mga doktor sa ibang bansa.

Ang narsing ang isa sa mga nangungunang kurso na kinukuha ng mga istudyante ngayon. Sa pagdaan ng mahabang panahon, nagiging tradisyon ng ating mga nars na magtrabaho sa mga ospital sa ating bansa ng dalawa hanggang limang taon saka maninilbihan sa ibang bansa ng 10 o higit pang taon. Maaaring ito ay dulot ng kakulangan ng trabaho at ng mababang sahod ng mga nars at doktor sa ating bayan.

Sa kabila na ang bansa ay isa sa mga nangungunang pinanggagalingan ng mga doktor, nars at caregivers, ang Pilipinas din ay isa sa mga bansa na may mababang tantos ukol sa “Performance on the Level of Health” ayon sa World Health Organization (WHO). Kapuna-puna rin ang kakulangan na mga doktor at nars sa mga ospital at klinika laluna sa mga kanayunan.

Ayon sa WHO, para matugunan ang pangailangan at masabing malusog ang health care system ng isang bansa ay dapat na ang ratio ng doktor sa mamayan ay isang doktor kada 600 mamamayan. Ang sa nars naman ay isang nars kada apat na mamamayan. Ngunit sa kasalukuyan, ang ratio ng doktor sa mamamayan sa buong bansa ay 1:16,000 at ang nars sa mamamayan ay 1:50-100 kung saan malayung-malayo sa ideal ratio na itinakda ng WHO. Ang “overloading” na ito ay hindi nangangahulugan ng kakulangan ng mga doktor at nars kundi sa kaunting bilang ng mga may trabaho.

Hindi natin maikakaila na ang kalidad ng sistemang pangkalusugan natin ngayon ay nakukumpromiso dahil sa kakulangan ng mga gamot, pasilidad, ospital, at iba pang serbisyong pangkalusugan. Pero ang kalagayang ito ay mas malala kung magpapatuloy ang paglisan ng ating mga doktor at nars

Hindi natin masisisi ang mga nagsisiliparan sa tawag ng pakikipagsapalaran, sapagkat ito ay maaaring bunsod na rin ng kahirapan at pangangailangan. Ngunit kung ang pagiging sapat ng mga doktor at nars ang siyang kailangan para mapaganda ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan ng ating bayan, bakit hindi ito ang pagtuunan ng pansin ng ating pamahalaan? Bakit di ito magbigay ng sapat at wastong trabaho sa karamihan? Sa mga padalang dolyares ng mga nasa ibang bansa na lamang ba nabubuhay ang ating gobyerno? Pang-export na lang ba ang kakayahan ng mga Pilipino? Hanggang kailan pa kaya magpapatuloy ito?

Sa mga naiwan…
Sa mga nais bumalik…
Narito ang laban…
Narito ang krisis…
Makapaglilingkod ka ba sa mamamayang Pilipino? #

Share

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.